Mariing pinuna ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang hamon ni incumbent San Juan City Mayor Francis Zamora na maghain ng petition for exclusion of voters, sa kabila ng paglipas ng panahon para gawin ito. Aniya, malinaw na isang “exercise in futility” ang naturang hamon dahil wala na itong legal na basehan.
Sa kabila nito, inihayag ng mambabatas na may matibay silang ebidensya na nagpapakita ng irregularidad sa paglobo ng bilang ng mga botante sa San Juan mula 2016 hanggang kasalukuyan, na umabot sa 32.13 percent.
Ayon sa kanya, napakaliit ng lungsod ng San Juan para magkaroon ng ganito kalaking pagtaas ng mga botante sa loob ng napakaikling panahon.
Sinabi rin ni Estrada na may nakabinbin nang petition for annulment ng voters’ list ng San Juan na inihain noong 2022 matapos ang halalan noong Mayo 9, 2022. Nanawagan siya sa Commission on Elections (Comelec) na magbigay agad ng aksyon sa isyung ito, dahil sa bigat ng usapin.
Binigyang-diin ng senador na ang isyung ito ay higit pa sa tunggalian ng mga Estrada at Zamora.
“Hindi ito usapin kung sino sa mga Estrada at Zamora ang namamayani at umangkin na pagmamay-ari ang lungsod ng San Juan. Walang nagmamay-ari ng San Juan kundi ang mga mamamayan ng San Juan – ang mga San Juaneños,” aniya.
Matatandaang hinamon kamakailan ni Zamora si Estrada na patunayan ang alegasyon nitong may 30,000 flying voters sa lungsod. Sa isang press conference, diretsahang sinabi ng mayor na walang flying voters sa San Juan at handa siyang samahan ang mambabatas sa pagtukoy ng mga pangalan at tirahan ng mga diumano’y pekeng botante.
“Kung matapang kayo sa Senado, tingnan natin ang tapang niyo sa labas ng Senado,” ani Zamora, kasabay ng pagsabing huwag magtago si Estrada sa parliamentary immunity.
Matapang ding binanggit ng mayor na nagbago na ang San Juan simula nang siya’y manalo noong 2019. “Hindi na ito Estrada country,” aniya, sabay banat sa halos 50-taong pamamahala ng pamilya Estrada sa lungsod.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/MayorFrancisZamora