Kinumpirma ng Magsasaka Partylist (MPL) ang muling pagsabak sa Kongreso bilang tunay na kinatawan ng mga magsasaka at mangingisda matapos maghain si Congressman Argel Joseph Cabatbat ng Certificate of Candidacy (COC) ngayong araw, Oktubre 6, sa Sofitel Harbor Garden Tent sa Pasay City.
Umaasa si Cabatbat na makakakuha ng isa o higit pang mga puwesto ang MPL sa 63 congressional slots na nakalaan para sa mga partylist upang muling mapabilang sa darating na 19th Congress.
Si Cabatbat ang may akda ng mahigit 139 na panukalang batas sa kamara, at co-author din ng 73 iba pang panukala. Isinulong din niya ang pagpapatupad ng ‘One Town, One Project’ o OTOP Philippines Program na naipasa ng mababang kapulungan sa botong 250-0. Layunin nitong makapagbigay ng kaukulang suporta sa mga micro-small at medium scale enterprises. Noong Abril 2020, pinamunuan ni Cabatbat ang pagtatayo ng ‘Magsasaka Outlet’ upang makabenta ang mga magbubukid ng kanilang produkto mula sa mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa patas na presyo.
Samantala, bilang kinatawan ng MPL, hiniling ng Kongresista na muling busisiin ang Rice Tariffication Law. Ipinaglaban din ng partido ang pagdeklara sa Coconut Levy Assets bilang trust fund pati na ang pagpapabilis ng proseso sa pagkuha ng titulo ng lupa.
Photo Credit: Facebook/argeljoseph.cabatbat