Nagbukas ang Quezon City ng 66 na health centers para sa mga residenteng kwalipikadong tumanggap ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Ito ay matapos patuloy na tumaas sa 1,105 ang bilang ng mga aktibong positibong kaso sa lungsod.
Sinabi ni Dr. Malu Eleria ng QC Task Force Vax to Normal na ang lungsod ay tumitingin sa pagsasagawa ng isang pinaigting na programa sa pagbabakuna upang maagap na matugunan ang virus.
“Hinihikayat ng gobyerno ng QC ang lahat na kumpletuhin ang kanilang mga pangunahing dosis at magpalakas. Bukas po ang lahat ng health centers within QC from Monday to Friday para magpabakuna” sabi ni Eleria..
“Bukod po sa health centers, meron po sa mga piling lugar sa inyong barangay na naka-schedule, magtanong lang sa health center staff. Maari din po na mag book online para sa schedule na naayon sa inyong availability,” dagdag nito.
Ang recovery rate ng lungsod ay nasa 98.91 percent na may 265,067 indibidwal na gumaling mula sa sakit, habang ang kabuuang bilang ng mga namatay ay nasa 1,738.
May kabuuang 2,530,910 na indibidwal sa lungsod ang ganap nang nabakunahan matapos matanggap ang dalawang dosis ng bakuna sa Covid-19 o ang single-dose na Janssen jabs, habang 1,114,279 booster shot doses ang naibigay na.