Naghain ng suporta ang dalawang miyembro ng Senate minority bloc na si Senator Risa Hontiveros and Senator Aquilino Pimentel III sa muling pagsuri at pagamenda ng Republic Act (RA) 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ito ay matapos magbigay ng privilege speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri tungkol sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga probinsya.
Pinasalamatan ni Hontiveros si Zubiri sa pagbibigay pokus sa EPIRA.
“I will count on ‘yung assurance of Senate President na bilang matagalang champion ng mga kooperatiba sa Senado na kapag pinamumunuan tayo ng Senate President sa pag-review ng EPIRA sa posibleng pag-amyenda sa kanya, posibleng pag-repeal, at pagpapanganak ng Senado ng bagong batas na pang enerhiya na the Senate will continue to be fair to the electric cooperatives,” sabi ni Hontiveros.
Ayon naman kay Pimentel, madaling makikipagusap ang minority bloc ng senado sa usaping EPIRA basta’t makakabuti ito sa kapakanan ng mga Pilipino.
“Basta kami sa minority, madali lang naman kaming mag-usap ni Senator Risa (Hontiveros). Magkape lang kami, minority caucus na ‘yun eh. This amendment to the EPIRA, we are open to this basta (as long as it is) for the good of the people,” dagdag nito.
Ipinangako naman ni Senator Raffy Tulfo, chairperson ng Committee on Energy, na magsasagawa ang senado ng hearing patungkol dito sa lalong madaling panahon.
Photo Credit: Senate Philippines Official Website

