Matapos ang pagbalik ng sesyon tungkol sa pagdinig ng saligang batas nitong Biyernes, ikinadismaya ng chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na si Senador Robinhood Padilla ang hindi pagdalo ng ilang opisyal mula sa executive branch.
“Hindi ko maintindihan kung bakit hirap na hirap ang Senado na magimbita ng ibang secretary… Hindi ko po alam sapagka’t itong Constitution natin ngayon sa 1987, ang sinasabi nito, merong balanseng kapangyarihan ang legislative at ang executive. Ibig sabihin pantay tayo ng kapangyarihan. Kapag inimbita sana ang taga-executive sana po ay mapagbibigyan nyo kami sapagka’t dito di kami mga marites o parites… Itong bagay na ito ay hindi isang bagay na isinasantabi sapagka’t Saligang Batas po ito,” panawagan ni Padilla.
Sa kabila nito, patuloy pa ring nanawagan si Padilla upang dumalo ang mga opisyal sa susunod na pagdinig, binigyang diin din niya ang kahalagahan ng koordinasyon ng executive at legislative branches matapos niyang banggitin na hindi mangyayari ang kakulangang naganap kung lumipat man sa isang parliamentary system ang Pilipinas.
“Sana mag-parliamentary na lang tayo dahil sa parliamentary, obligado silang humarap, isa na ang executive at legislative. Bawa’t linggo doon sila sa harap natin pwede natin sila kwestyunin. Pwede sila natin makapanayam ng magandang usapan,” dagdag ng senador.
Ayon sa binasang sulat ni Padilla mula sa Department of Energy matapos hindi makadalo ang kanilang kinatawan sa pagdinig, hiniling ng ahensya na payagan itong magbigay ng “written comments at a later date after due internal study.”
Agaran naman itong sinagot ng mambabatas at binigyang diin na ang usapan sa pagbabago ng Saligang Batas ay isang sensitibong paksa kaya’t lahat ng inimbita ay kinakailangan “magbigay ng interest” dito.
“Gusto natin bumalanse pero kung ganyan ang maabutan natin dito mag-parliamentary na lang tayo, wala na pong paguusapan dito kundi mag-parliamentary na tayo para harap-harapan tayo. Ang hirap nito sa ‘taguan,’ hindi ako sanay sa ‘taguan,'” ani Padilla.
Sumangayon naman sa neophyte na senador si Minority Leader Aquilino Pimentel III na isa sa mga dumalo sa pagdinig.
Saad ni Pimentel, sa isang parliamentary system, “walang takas.”
Sumangayon din sina Senador Francis Tolentino at Ronald dela Rosa sa obserbasyon ni Padilla.
Dagdag ni Dela Rosa, “kung coequal branch of government we should respect each other.”
Photo Credit: Senate website