Gumawa ng panukalang batas si Senador Lito Lapid ukol sa mga healthy food at beverage para sa mga estudyante at mga empleyado ng pampubliko paaralan.
Ayon kay Lapid, layunin ng panukalang batas na ito o ang Healthy Food and Beverage in Public Schools Act na paigtingin ang kahalagahan ng mga nutrisyong nakukuha ng mga estudyante mula sa mga binebentang pagkain sa kanilang paaralan.
Sinabi ni Lapid sa kanyang salaysay na maraming pag-aaral na kapag hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon ang isang mag-aaral, maaaring maapektuhan nito ang kanilang kapasidad na matuto at makapagpokus sa kanilang pag-aaral.
“Kung atin pong titiyakin na mayroong sapat na akses ang mga mag-aaral sa mga pagkain na may mataas sa nutritional value, ay masisiguro natin na maitataas natin hindi lamang ang antas ng kalusugan ng mga mag-aaral, kundi pati na rin ang kanilang performance sa eskwelahan,” dagdag ni Lapid.
Layunin din ng kanyang panukalang batas na pagbawalan ang pagbebenta, pagbibigay, at pagsusulong ng mga junk foods at sugary beverages sa mga paaralan, sampung metro ang layo.
“Itong ating isinusulong na programa ay hindi lamang naglalayong bawasan ang mga kaso ng obesity at malnutrisyon sa ating bansa at mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mag-aaral, ito rin ay naglalayong bumuo ng magagandang mga gawi o habit na madadala nila sa kanilang pagtanda,” sabi ni Lapid.
Photo Credit: Facebook/SenadorLitoLapid