Kinilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga nagawa ng lalawigan ng La Union para sa kalikasan, ayon kay Governor Rafy Ortega-David.
Sa isang Facebook post ngayong Lunes, inanunsyo ng gobernadora na tumanggap ang La Union ng dalawang national awards mula sa BFAR.
“Ito ay ang Gawad Pagkilala Award for our strong partnership, support and collaboration as well as our initiatives para pangalagaan ang #KalikasanNaman. Congratulations, La Union!” aniya.
Dagdag ni Ortega-David, ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang nasimulan para sa kalikasan at para sa kinabukasan ng mga kabataan.
Kamakailan lamang, nagsagawa ng Live to Lead seminar ang La Union Provincial Government (PGLU) na naglalayong isulong ang adbokasiya ng mga youth leader para sa sustainable environment.
Ayon sa Public Information office ng PGLU, ang programa ay nagtapos sa mga makabuluhang hakbangin sa kapaligiran, kabilang ang pagtatanim ng bakawan sa Barangay Pila, Luna, paglilinis sa baybayin at study tours sa Don Mariano Marcos Memorial State University-Fisheries Research Training Institute, at mga ecotour na kinabibilangan ng snorkeling, sea garden, at lagoon sa Isla ng Immuki sa Balaoan.
Dagdag nito, ipinahayag ni Ortega-David sa seminar ang sigasig niya sa pagbuo ng isang sustainable environment at pagpapaigting ng kampanyang #KalikasanNaman bilang tugon sa panawagan para sa agarang pagkilos upang mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan sa lalawigan.
Photo Credit: Facebook/GovRafy