Hinihimok ni Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Marcos Jr. na bigyan ang mga magsasaka ng P15,000 production subsidy pagkatapos ng malawak na pinsalang idinulot ng bagyong “Karding” sa mga sakahan.
Ayon sa pinakahuling pagtatantya ng Department of Agriculture, napinsala ng bagyo sa Luzon ang mga pananim sa humigit-kumulang 1.7 milyong ektarya. Halos 1.5 milyon sa mga ito ay mga bukirin na ginamit para sa pagtatanim ng palay.
“Dapat hanapan ng pondo ang signipikanteng production subsidy sa ating mga magsasaka. Malaki ang nalugi sa kanila sa Rice Tariffication Law at mahal na presyo ng langis, at ngayon nama’y winasak ang kanilang pananim,” ani Brosas sa isang pahayag.
Sinabi ng mambabatas na maaaring kuhain ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang magagamit na balanse mula sa contingent fund at mga bahagi ng unprogrammed fund na nakalaan para sa cash assistance para sa mga rice farmer.
“We will also push for the inclusion of the P15,000 production subsidy for 9.7 million farmers and fisherfolk in the proposed 2023 budget. Funding for this can be sought from obscure lump sum items such as the redundant LGU (local government) support funds, and NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) funds,” aniya.
Batay sa pinagsamang datos ng lahat ng rehiyon sa Luzon, ang lugar ng mga nakatayong pananim na posibleng naapektuhan ng bagyong “Karding” ay umabot sa kabuuang 1,469,037 ektarya (75.83 porsiyento ng national standing crops) para sa palay at 281,322 ektarya (52.37 porsiyento ng pambansang national standing crops) para sa mais.