Nagbabala si Senador Imee Marcos sa mga telecommunications company o telco laban sa pagpapabaya at hindi pagpoprotekta sa personal data ng kanilang mga customer, matapos lagdaan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pinal na bersyon ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act.
Sa isang pahayag, sinabi niya na ang mga text scammer na nag-aalok ng instant cash o non-existent na mga trabaho ay patuloy na umiiwas sa data security capabilities ng telcos habang naghihintay ang SIM Act ng lagda ng Pangulo.
Ang mga customer ng telco ay mananatiling bantad din sa mga scammer sa loob ng 180-day transition period habang inirerehistro ng mga prepaid at postpaid subscribers ang kanilang mga SIM pagkatapos magkabisa ang batas, dagdag ni Marcos.
“Ang mga bumibili ng bagong SIM card ay nagre-report na meron silang natatanggap na mga mensahe ng scam bago pa man sila gumawa ng kanilang unang online na transaksyon. Kaya’t saan nagaganap ang paglabag sa seguridad ng data?” tanong niya.
Kinilala ng mababatas na bilyun-bilyon ang ginagastos ng telcos para maprotektahan ang privacy ng kanilang mga subscribers, kabilang ang kanilang mga cellphone number, pero ang pagiging maluwag at ang tukso na makakuha ng malaking kita ay maaaring magbalewala sa hakbang na ginawa ng mga mambabatas.
“Hindi natin maitatanggi na ang mga scam text ay nagdudulot din ng milyon-milyong kita para sa mga telcos. Ang mandatory SIM registration, kung ito ay magiging batas, ay hindi madaliang solusyon at kakailanganin nito ang sukdulang kooperasyon ng telcos,” ani Marcos.
Bukod sa pagpapabuti ng digital security, iminungkahi niya na pagbutihin din ng telcos ang packaging security na pipigil sa mga vendor o mga tindero na ibuyangyang ang mga prepaid SIM card number sa mga scammer.
Ipinunto ni Marcos na ang mga prepaid SIM card subscribers ang bumubuo sa karamihan ng mga tumatangkilik sa mga telco dahil mas mura at madaling mabili o makuha.
Photo Credit: Facebook/senateph