Saturday, January 11, 2025

Tulfo Sa DPWH: Obligahin Ang Contractors Na Magkaroon Ng P1M Liability Insurance

0

Tulfo Sa DPWH: Obligahin Ang Contractors Na Magkaroon Ng P1M Liability Insurance

0

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Dapat umanong obligahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga contractors na magkaroon ng liability insurance para sa aksidenteng pagkamatay o injuries ng mga manggagawa at motorista, ayon kay Senador Raffy Tulfo.

Sa pagdinig ng Committee on Finance Subcommittee “A,” sinabi niya na ang halaga ng coverage ng nasabing liability insurance ay dapat na hindi bababa sa P1 milyon bawat proyekto.

“Base sa aking karanasan, maraming beses na pong nangyari na ang mga trabahador ay nadidisgrasya habang gumagawa ng kalsada – naputulan ng kamay o di kaya ay naipit ang paa ng heavy equipment, at mayroon ding mga motorista na nahulog sa kanal na hindi pa natakpan. May mga ibang biktima naman na namatay po.

“And yet, hindi po nababayaran. Pahirapan, paiyakan. Dadaan sa barangay, dadaan kay Mayor, dadaan sa DPWH, pero wala pong nangyayari. In some cases, ako na po ang nag-s-shoulder ng amount dahil malalaman ko na walang insurance,” ani Tulfo. 

Kinwento niya, na host din ng “Wanted sa Radyo,” na mayroong isang pagkakataon kung saan inobliga niya ang isang contractor na bayaran ang gastos sa pagkamatay ng kanilang manggagawa, ngunit sa kanyang pagkadismaya ay nag-alok lamang ang kontraktor na magbayad ng P20,000.

“P20K ang i-ooffer sa buhay ng isang taong namatay dahil sa kanilang kapabayaan? Murang mura naman ‘yon, kasing mura ng sobrang nipis na kalsadang ginawa nila,” ani Tulfo.

Malugod na tinaggap ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ang mungkahi ng mambabatas, at sinabing titingnan nila ang mga paraan upang maisama ang nasabing P1 milyong liability insurance sa kasalukuyang polisiya.

Hiniling din ng senador mula Isabela at Davao kay Bonoan na itigil na ang kasalukuyang practice ng sub-contracting infrastructure projects na kadalasang nagreresulta sa mga substandard na kalsada na prone sa aksidente.

Sa kasalukuyang sub-contracting practice, sinabi niya na ang principal contractor na nanalo sa bidding ay ililipat lamang ang pagpapatupad ng proyekto sa isang mas maliit na contractor na kulang sa pinansyal at teknikal na kakayahan.

Sa ilang mga kaso, naalala ni Tulfo, ililipat muli ng sub-contractor ang proyekto sa isa pang mas maliit na sub-contractor. Sa katunayan, ang budget na magagamit para sa ikatlong contractor ay maliit na lamang at hindi na sapat upang makagawa ng mga de-kalidad na proyekto.

“Kung sino po ang nag-bid, yun lang po talaga dapat ang gumawa ng trabaho. Para naman panalo rito ang taumbayan, para ang mga kalsada natin ay maayos at kumapal-kapal naman,” saad niya.

Hiniling din ni Tulfo kay Bonoan na tiyaking walang masisimulan na mga proyekto sa kalsada kung wala pang sapat na pondo para dito, para maiwasan ang perwisyo sa mga motorista.

Photo Credit: Philippine News Agency

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila