Inihain ni Senador Win Gatchalian ang Senate Bill (SB) No. 1374 na hangad magtatag ng isang agriculture information system (AIS) upang makatulong na matiyak ang sapat na supply ng mga produktong pang agrikultura at mabawasan ang kahirapan.
“Kailangan ng gobyerno na magtatag ng imprastraktura at mekanismo na magbibigay-daan sa mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng anumang partikular na agricultural products. Ang misyon ay tulungan ang ating mga magsasaka na mahanap ang kanilang mga pamilihan dahil ito ay susi upang mabawasan ang kahirapan sa bansa,” aniya sa nasabing panukalang batas.
“Inaasahan natin na sa pamamagitan ng pagtatatag ng AIS, mas magiging maayos ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at makakatulong na malutas ang problema ng kagutuman sa bansa,” dagdag ni Gatchalian.
Ang SB 1374 ay magbibigay daan sa paglikha ng AIS, na pamamahalaan ng Department of Agriculture (DA).
Ang AIS ang magsisilbing online database kung saan makikita ang lahat ng impormasyon hinggil sa mga ibinebentang agricultural at fisheries commodities. Ito rin ay ia-upload nang sabay-sabay kasama ng mga impormasyon na magmumula sa mga magsasaka sa bawat barangay.
Ani Gatchalian, pagsasama-samahin ang lahat ng makukuhang data at ilalagay sa isang database para mas madali ang ugnayan sa pagitan ng farm sources at mga mamimili, kabilang na ang pandaigdigang merkado.
Ayon pa sa mambabatas, sinusuportahan ng panukalang batas ang layunin ng kasalukuyang administrasyon na tiyakin ang food security, lalo na sa panahon ng emergency habang ang bansa ay unti-unting bumabangon mula sa epekto ng pandemya.Â
Ang inihain na batas ay alinsunod din sa pangako ng DA sa United Nations Food and Agriculture Organization na isusulong nito ang digitalization ng sektor ng agrikultura upang makamit ang mga layunin na bawasan ang kahirapan at makamit ang seguridad sa pagkain.
Ang panukalang AIS ay hango sa Municipal Agricultural Information System na binuo ng lokal na pamahalaan ng Mina, Iloilo na kumukolekta, nagsusuri, at gumagamit ng mga datos ng agrikultura para sa mga magsasaka, kanilang mga pamilya, mga aktibidad, lupa, mga pananim, at iba pa, pahayag ni Gatchalian.
Naging matagumpay ang ganitong sistema sa naturang lugar upang maibenta nila ang kanilang mga ani sa labas ng kanilang komunidad na nagbibigay sa kanila ng mas magandang presyo sa kanilang mga produkto at mas maayos na kita na inuuwi nila sa kanilang mga pamilya, dagdag niya.Â
Photo Credit: Facebook/senateph