Inilagay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apat na rehiyon sa bansa sa ilalim ng state of calamity sa loob ng anim na buwan bilang tugon sa pinsalang dulot ng Severe Tropical Storm “Paeng.”
Kasama rito ang Region IV-A (Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Bicol Region, Western Visayas, and the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang Proclamation No. 84 ng Pangulo, na inilabas ngayong Miyerkules, ay nag-utos din sa lahat ng kinauukulang departamento at ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng rescue, relief, at rehabilitation measures sa mga lugar na apektado ni Paeng.
“All departments and other concerned government agencies are also directed to coordinate with the LGUs (local government units) to provide or augment the basic services and facilities of affected areas,” ayon sa proklamasyon na nilagdaan para sa Pangulo ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon dito, maaaring isama ng Pangulo ang iba pang lugar sa deklarasyon ng state of calamity kung kinakailangan batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng mga kundisyon na ibinigay ng batas.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), ang pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng mula Oktubre 26 hanggang 29 ay nagresulta sa pagkamatay, pagkasira ng ari-arian, pinsala sa agrikultura at imprastraktura, pati na rin ang pagkagambala sa kabuhayan ng libu-libong tao sa iba’t ibang rehiyon.
Mahigit 1.4 milyong katao mula sa Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, at BARMM ang naapektuhan ni Paeng, dagdag nito.
Sinabi rin ng OPS na ang NDRRMC, sa pamamagitan ng isang resolusyon, ay gumawa ng rekomendasyon sa Pangulo na magdeklara ng state of calamity na sumasaklaw sa mga rehiyong iyon upang mapabilis ang rescue, relief, at rehabilitation efforts ng kapwa publiko at pribadong sektor.
Ang deklarasyon ay magbibigay-daan din sa pamahalaan na epektibong kontrolin ang mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin at bigyang-daan ang pambansa at lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang mga pondo para sa mga hakbang sa pagsagip, pagbawi, at rehabilitasyon, anito.
Photo Credit: Facebook/opsgov