Ang pagkakaroon ng mas komprehensibo at madaling maunawaan na weather forecast ay makatutulong upang mabawasan ang mga masasawi sa oras ng kalamidad na dala ng masasamang kondisyon ng panahon, ayon kay Senador Francis Tolentino.
Sinabi niya ang pahayag kasabay ng pag-alala ng bansa sa mga buhay na nawala sa hindi sinasadyang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda siyam na taon na ang nakararaan.
Dagdag ni Tolentino, ang paggamit ng state weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng mga teknikal na termino sa mga pagtataya ng panahon ay naging hamon para sa mga ordinaryong tao at maging sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na unawain.
Binigyang-diin niya na panahon na para maging accessible at maunawaan ng maayos ng pangkalahatang publiko ang mga terminong ginagamit ng PAGASA.
“Siguro sa PAGASA baguhin na yung lenguahe nila – baguhin na para maintindihan ng ating mga kababayan… halimbawa: ganitong oras, one hundred-fifty thousand drums ang babagsak–walang ganon eh. Yung wikang Ingles kasi, sa mga scientist lang yon eh. Dapat malaman ng ating mga ordinaryong kababayan,” dagdag ng mambabatas.
Binanggit niya ang isang insidente kung saan ang Tacloban City at iba pang mga lalawigan sa Eastern Visayas Region ay nabigong maghanda para sa inaasahang napakalaking storm surge dahil ang terminolohiya ay hindi epektibong naipahayag gamit ang wika ng mga karaniwang tao mga araw bago ang epekto ng Yolanda noong Nobyembre 2013.
Sa Region 8 pa lang, mahigit 5,000 na ang namatay dahil sa mala-tsunami na storm surge.
Bilang isa sa mga unang nagresponde kasunod ng nakamamatay na pananalasa ni Yolanda, nakita mismo ng dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority ang matinding pagwasak ng bagyo sa Tacloban City.
Sinabi pa niya na kung naunawaan ng mga residente nang maayos ang rainfall warning alert system, naiwasan sana ang napaulat na maraming nasawi sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao dulot ng napakalaking flash flood dulot ng Tropical Storm Paeng.
“Equally important yung communication every time there’s a severe weather condition–the information being disseminated, as well as the choice of language so that people can easily understand it,” paliwanag ni Tolentino.
Photo Credit: Philippine News Agency