Sa harap ng mga problema sa pagpapatupad ng K-to-12 basic education program dahil sa kakulangan ng pondo at pasilidad, sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Lunes na may dalawang opsyon ang gobyerno: itodo ang pondo para dito o suspindihin ang pagpapatupad nito.
“The immediate solution is simple: either i-suspend ang K-to-12 for five to 10 years until we have enough resources, or fund the K-to-12 now as it was envisioned,” wika ni Cayetano sa kanyang interpellation noong November 14, 2022 sa diskusyon ng budget ng Department of Education (DepEd) na ini-sponsor ni Senator Pia Cayetano.
Ipinahayag ng mambabatas na noong pinagdedebatehan ang K to 12 Law, nangako ito na maaari nang ma-employ ang mga graduate kahit hindi sila tumuloy sa kolehiyo. Inasahan ding mababawasan ang panahon na gugugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo dahil sa implementasyon ng senior high school.
“They [DepEd] promised na bubuhusan ng pera, na after senior high, employable na — ladderized, babawasan ng one year ang college, and better quality of education,” aniya.
Ayon kay Cayetano, na isa lamang sa dalawang senador na tumutol dito noong ito ay isang panukalang batas pa lamang, hanggang ngayon ay nabigo ang K to 12 program na tugunan ang mga isyu sa kalidad ng edukasyon ng bansa. Binigyang-diin niya ang matinding pagkakaiba sa pagitan ng ipinangako para sa mga grade K-12 at kung ano ang aktwal na nangyayari.
“Ang ipinangako sa atin, ‘pag pumunta ka sa school at sports track ‘yan, may oval, gym, equipment, coaches, swimming pool. ‘Pag pumunta ka sa techvoc, may garahe, testing equipment, motor, at akmang professors,” aniya.
Binanggit din ng senador na nabawasan ang oras na inilalagi ng mga mag-aaral sa eskwelahan mula sa dating walong oras hanggang sa anim na lang ngayon. “Hindi ‘yan ang usapan namin noon bago naipasa ang K-to-12.”
Nanindigan si Cayetano na sa halip na magdagdag lamang ng dalawang taon ng pag-aaral, ang K-12 ay dapat tumuon sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon. Iginiit din ng senador na ang mahalaga sa mga magulang ay ang makitang nakabubuti sa kanilang mga anak ang K-to-12 program.
“Basta ganito lang: ang anak nila may talent sa arts, anong school ang pwede nilang pasukan? At pag-graduate nila, may trabaho na sila. That is the promise of K-to-12. K-to-12 is not just adding two years,” aniya.
Nilinaw ni Cayetano na sinusuportahan niya ang K-12, ngunit idinagdag na pagkatapos ng sampung taon ng mga nasirang pangako, dapat na ganap na pondohan ng gobyerno ang programa o suspindihin ito sa loob ng ilang taon upang repasuhin ang programa.
“My point is, we should put money there… para makita naman ng mga magulang na ito (talaga) ang K-to-12,” patuloy niya.
Photo Credit: Philippine News Agency