Bilang bahagi ng pagsisikap ng kanyang administrasyon na mapababa ang presyo ng bigas, inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kadiwa ng Pasko Project nitong Miyerkoles, kung saan maaari na ngayong makabili ang mga Pilipino ng abot-kayang mga bilihin, kabilang ang bigas sa P25 kada kilo, ayon sa Presidential News Desk (PND).
“‘Pag bibili ng bigas kinukuha sa NFA (National Food Authority, kinukuha sa buffer stock… hindi kumikita ang NFA. Kung ano ‘yung pinambili nila ganoon din ang presyo kaya’t ‘yung nakita ninyo ‘yung bigas P25 (per kilo),” wika ni Marcos sa isang talumpati kasabay ng paglulunsad ng proyekto sa Mandaluyong City.
“Palapit na tayo dun sa aming pangarap na mag-P20 (per kilo of rice) pero dahan-dahan. Aabutin din natin yan,” dagdag niya.
Sa kaganapan sa Barangay Addition Hills, muling pinagtibay ng punong ehekutibo ang pangako ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino, ayon sa PND.
“Ang Kadiwa ay nagdadala lamang ng mas mura na bilihin para sa taong-bayan… Ito namang Kadiwa ay nakakamura ito dahil ang pamahalaan ay bumibili diretso sa supplier kaya’t lahat ‘yung… Lahat ng transport cost, lahat ng mga ganyang klase na kailangang bayaran ang gobyerno na ang gumagalaw,” ipinunto ni Marcos.
Ang Kadiwa ng Pasko project, ayon sa PND, ay binuo sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture bilang pangunahing ahensya para labanan ang inflation sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga tao ng abot-kayang mga bilihin, partikular sa darating na kapaskuhan.
Layunin ng programa na mabigyan ang mga lokal na mangingisda at magsasaka ng market para sa kanilang mga huli gayundin ang maliliit na negosyo na nagbebenta ng basic necessities.
Inaasahan na kikita sila ng maayos at mabibigyan ang publiko ng access sa mas abot-kaya at mataas na kalidad na mga produkto.
“Labing-apat, labing-apat ito na iba’t ibang Kadiwa ng Pasko na binubuksan namin. Si First Lady napunta sa Parañaque, Si Congressman Sandro nasa Quezon City, ‘yung isang anak ko si Simon ay nasa San Juan,” sinabi ni Marcos.
“Patuloy po ito. Pararamihin po natin ito hangga’t may coverage na tayo na national,” dagdag niya.
Nagpahayag din ng tiwala ang Presidente sa suporta ng mga Pilipino sa programa.
Labing-apat na lokasyon sa buong bansa ang sabay-sabay na binuksan nitong Miyerkules – labing-isa sa National Capital Region at tig-isa sa Tacloban City, Davao De Oro, at Koronadal City, South Cotabato.
Photo Credit: Facebook/opsgov