Sa isang pahayag sa social media, pinuri at pinasalamatan ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ang pamunuan ng Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paglagda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11552.
Ayon kay Rodolfo B. Javellana Jr., presidente ng UFCC, kinikilala ng mga maralitang konsyumer ng bansa ang pagmamalasakit na ipinakita nina DOE Secretary Raphael P.M. Lotilla at ERC Chairperson Atty. Monalisa Dimalanta sa naging papel ng kanilang mga ahensya sa opisyal na pagkaka-apruba ng IRR na siyang basehan ng diskwento sa bayad sa buwanang konsumo sa kuryente.
Ang R.A. No. 11552 ay mas kilala bilang “An Act Extending and Enhancing the implementation of the Lifeline Rate, Amending for the Purpose Section 73 of Republic Act. No. 9136 (Electric Power Industry Reform Act of 2021).”
“Alam nating lahat na ang isang batas ay mananatiling walang bisa at hindi mapakikinabangan hanggat hindi solido ang IRR nito,” ayon kay Javellana.
Ang IRR ang basehan sa pagpapatupad ng batas. Opisyal itong aprubado kapag may lagda na ng mga kinauukulang opisyales.
Sinabi ni Javellana na ang pinaka-mahalagang benepisyo nito ay ang pagdagdag ng 30 years ng buwanang subsidiya sa gastusin sa kuryente ng mga maralitang pamilyang Pilipino.
Ayon pa kay Javellana, labis ang pasalamat ng UFCC sa pagkaka-lagda ng IRR sa dahilang ang dating 20 taong termino ng subsidiya ay pinalawig ngayon ng 50 taon. Isa umanong napakalaking agapay para sa pamumuhay at tulong sa pag-ahon sa kahirapan ng mga benepisaryo nito ang dinagdag na 30 taon.
Sa lawak ng palugit, mararamdaman ng mga mahihirap na Pilipino ang benepisyo ng batas na ito maski pa tapos na ang administrasyon ng Pangulong Bong Bong Marcos Jr., dagdag pa ni Javellana.
Sa kabila ng pasasalamat ng UFCC, pinaalalahanan din ni Javellana ang pangasiwaan ng DOE, ERC at DSWD kaugnay ng aktwal na pagpapatupad ng mga panuntunan at hakbangin sa pagpapagaan ng pasanin ng maralitang mamamayan lalo na sa bayarin sa buwanang konsumo sa kuryente.
Nanawagan si Javellana kay Secretary Lotilla na mas paigtingin at palakasan pa ng DOE ang mga polisiya at programang ganap na magpapatibay sa enerhiya ng bansa ng may tunay na malasakit sa kakayahan ng mga maralita para sa kanilang pangangailangan ng kuryente.
Pinaalalahanan din ni Javellana si ERC Chair Dimalanta na ang ERC ang sinasandalan at inaasahan ng mga konsyumer ng kuryente, lalong-lalo na ng mga maralita.
Hiniling ni Javellana sa ERC na pagtibayin ang mga makatarungan at makatwirang regulasyon na may tama at balanseng konsiderasyon sa industriya ng enerhiya at mga konsyumers, lalo na ang mga maralita.
Hamon rin ni Javellana kay Secretary Tulfo na ang malasakit ng DSWD at pag-agapay sa mga maralitang Pilipino ay tuluyan nang mawalan ng kulay politika.
Ang DSWD ang siyang ahensya na tutulong upang tukuyin ang tunay na mahihirap na siyang benepisaryo ng 50 taong subsidiya. Kabilang dito ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Tinandaan po naming mga konsyumer ang mga katagang ‘Sama-samang Babangon Muli’ kaya dapat pong maramdaman ng lahat ang tunay na benepisyo ng IRR,” ayon pa kay Javellana.