Hinamon ni Rep. France Castro, House deputy minority leader at miyembro ng ACT Teachers party list, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na i-realign ang confidential and intelligence funds (CIF) ng kanilang mga opisina sa pondo para sa ayuda.
“Kung talagang may concern sila lalo sa mga pinakamahihirap na sektor ngĀ ating lipunan dapat ay ibigay na nina President Marcos Jr at VP Duterte ang kanilang confidential and intelligence funds sa ayuda,” aniya sa isang interview ngayong Lunes.
Ayon kay Castro, ang CIF ng pangulo at bise presidente ay nagkakahalaga ng P4.5 bilyon at P500 milyon. Kung ang bawat pamilya ay makakatanggap ng P10,000, ang P5 bilyon ay makakatulong sa 500,000 pamilya. Ito ay katumbas ng 2.5 Pilipino na natulungan.
“We will be hitting two birds with one stone,” patuloy ng mambabatas. Dagdag niya, ang tulong na ito ay gagastusin din sa lokal na ekonomiya habang ang mga pamilyang ito ay bumibili ng pagkain, damit, at nagbabayad ng mga bayarin.
“Sana naman ay makinig ang pangulo at pangalawang pangulo sa kahilingan ng ating mga kababayang mahihirap lalo pa at magpapasko. Magandang pamasko sa kanila ang pag-anunsyo na sila ay makakatanggap ng P10k ayuda pagpasok ng bagong taon,” aniya.
Photo Credit: House of Representatives official website