Sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez na ang House of Representatives (HOR) ay magsisikap na panatilihin ang mga pondong nakalaan para sa fuel subsidy at libreng sakay programs ng Department of Transportation (DOTr).
“This is one of the pro-people provisions of the proposed national budget. Kailangan ito ng mga mamamayan,” aniya sa isang pahayag ngayong Martes.
Nagpasya ang HOR na maglaan ng P5.5 bilyon para sa Pantawid Pasada Fuel Program (P2.5 bilyon), Libreng Sakay (P2 bilyon) at pagtatayo ng bike lanes (P1 bilyon) bilang bahagi ng P77-bilyong institutional amendments para sa mga pro-people program sa pambansang budget.
“Itong Pantawid Pasada at Libreng Sakay, diretsong ginhawa ito sa ating mga kababayan. Ayuda ito sa mga drayber at operators sa panahon ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. At ang libreng sakay naman ay malaking tulong sa ating commuter na nahihirapang pagkasyahin ang kita sa isang araw,” dagdag ni Romualdez.
Sinabi niya na ang fuel subsidy program ay isa pa rin sa mga serbisyo ng gobyerno na inaabangan ng mga tsuper at operator sa oras ng pangangailangan, dahil ang pagtaas ng presyo ng langis ay patuloy na nagdudulot ng hirap sa sektor ng pampublikong transportasyon.
“House believes that the Libreng Sakay program will really help commuters. Pinondohan namin ‘yan dahil kailangan,” pagbibigay-diin ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations.
Ang service contracting o “Libreng Sakay” program ng DOTr at Land Transportation and Franchising Regulatory Board ay nagsimula noong 2020 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act. Ipinagpatuloy ito noong 2021 at 2022.
Samantala, hinihikayat ng mga bike lane ang mga tao na sumakay ng kanilang mga bisikleta papunta at pauwi sa trabaho. “It is a way to be physically healthy and at the same time reduces vehicles on the road,” dagdag ni Co.
Photo Credit: Facebook/iamMartinRomualdez