Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga panukalang batas na lumalaban sa fake news at disinformation. Aniya, panahon na para aksyunan ang problemang ito.
“Ako po ay sang-ayon kung saka-sakali ay isabatas na po ito, na parusahan na po ang pagpapalaganap ng fake news,” aniya.
“Panahon na po na tuldukan na po, tapusin na po itong fake news. Kawawa naman po ang mga Pilipino na gusto lang pong mamuhay nang tahimik at hindi nababastos,” dagdag ni Go.
Ayon sa mambabatas, ang pagpapakalat ng fake news ay hindi patas para sa mga taong sinisiraan dito. Dagdag niya, kahit may karapatan sa pagsasalita ang mga Pilipino, hindi karapatan ang pagkalat ng maling impormasyon.
“Napaka-unfair naman po kung totoo lang, okay lang po ‘yun, ibalita ang katotohanan at hindi fake news. Pero kapag fake news na po ang ibinabalita, kawawa naman ang mga inosente,” aniya.
“This is democracy, karapatan n’yo pong magsalita. Ngunit wala kayong karapatan magpakalat ng fake news na nakakasakit po sa ating mga kababayan,” dagdag ni Go.
Sa hearing ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, napag-usapan ang Senate Resolution No. 191 kung saan nagsusulong ng “inter-agency approach” sa paggawa ng mga polisiya laban sa pagkalat ng false information o fake news.
Kabilang din sa resolusyon ang mga posibleng amendments sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Tinutulak din sa House of Representatives ang House Bill 2791 na naglalayong gawing krimen ang pagkalat ng false information at amyendahan ang Cybercrime Prevention Act of 2012. Inihain ni Malabon Representative Josephine Lacson-Noel and An Waray Party-List Representative Florencio Noel ang nasabing batas.
Photo Credit: Philippine News Agency website