Pinag-iisipan ng gobyerno na magtayo ng mga high-rise housing project upang tugunan ang housing backlog na pumapalo sa 6.5 milyon, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Lunes.
Aniya, pwedeng gayahin ng gobyerno ang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) project ng Marcos Sr. administration kung saan pinamunuan nito ang pagpapatayo ng mid-rise housing units, partikular sa mga urban areas.
“Ngunit ngayon dahil mahirap na, siguro baka pataasin pa natin . Baka puwede na nating itaas hanggang high-rise na. Ngunit pinag-aaralan natin ito siguro case-to-case ito,” sabi ni Marcos.
Giit niya, naghahanap nang paraan ang gobyerno upang i-organisa ang mga iba’t ibang ahensya tulad ng local government units (LGUs), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA), legislatura, at ang national government upang maagapan ang dagdag pangangailangan para sa pabahay ng bansa.
Dumalo si Pangulong Marcos sa ceremonial turnover ng NHA house and lot units sa Naic, Cavite para sa 30,000 na pamilya.
Sa kanyang talumpati, inutos niya sa NHA na ipagpatuloy ng ahensya na tuparin ang kanilang mandato at tiyakin na may kabuhayan ang mga pamilyang nabibigyan ng pabahay.
“Patuloy ninyong pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya, mga lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon. Hangarin natin na matiyak na may sapat na suporta ang lahat ng mga benepisyaryo ng mga bagong tirahang ito,” sabi ni Marcos.
Sinabihan niya rin ang ahensya na tiyaking matibay ang mga pabahay upang hindi pabagsakin ito ng mga kalamidad.
Ipinakiusap ni Marcos sa mga benepisyaryo na alagaan ang bigay na pabahay at magtulungan sila upang mapaganda ang kanilang komunidad.
Nanawagan din ang pangulo sa mga LGU at private sector na makipagtulungan sila sa gobyerno upang mapabuti ang kalagayan ng mga benepisyaryo.
Photo Credit: Facebook/opsgov