Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Statistics Authority (PSA) na pabilisin ang pag-imprenta ng digital version ng mga Philippine Identification System (PhilSys) ID.
Sa pagpupulong kasama ang mga opisyal ng PSA at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, sinabi ni Marcos sa mga ahensya na mag-imprenta nang maraming IDs hangga’t kaya.
“Let us print out as much as we can and then isunod natin ‘yung physical ID as soon as we can,” aniya.
Napag-usapan sa pagpupulong ang “printing capacity,” kabilang dito ang “flow of data and the volume of the data.”
Tugon ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, patuloy ang pakikipagtulungan ng ahensya sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpapabilis at pagpaparami ng produksyon ng mga PhilSys ID.
Nasabi nang ahensya noon na nagkaroon ng aberya sa pag-print ng mga national ID card dahil sa dagsa ng mga nagpaparehistro.
Noong Oktubre, sinimulan ng PSA ang implementasyon ng printed digital version ng PhilSys ID upang tugunan ang backlog ng physical cards. Sa pamamagitan ng printed Phil ID, magagamit ng mga nakapagparehistro ang mga benepisyo dala nito, ayon sa PSA.
Mas mapapabilis ang mga transaksyon sa pag-access ng mga financial at social protection service kung saan nangangailangan ang mga ito ng proof of identity na isasalang pa sa authentication.
Sinabi ni PhilSys registration Officer In Charge Fred Sollesta sa Laging Handa briefing na 71.1 milyon na Pilipino na ang nakapagparehistro para sa national ID at 25 milyon na physical cards ang naipamahagi na.
Tinatayang nasa 50 milyon ang backlog sa pag-imprenta ng mga physical card.
Photo Credit: Philippine News Agency website