Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng mga guideline para sa mga gaganapin na Christmas party sa mga opisina nito at mga pampublikong paaralan ngayon paparating na Kapaskuhan.
Pinirmahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang Department Order (DO) 52 kung saan inaanyayahan ang mga tauhan ng ahensya na gawing simple ngunit makabuluhan ang mga selebrasyon sa kabila ng “difficult economic times.”
“Celebrations in schools and in DepEd offices, as far as practicable, should be simple yet meaningful. Christmas party themes should not result in expenses that will become a burden on parents, students, and DepEd personnel,” aniya.
Sinabi ng DepEd na dapat boluntaryo lamang ang Christmas party at hindi magiging pasan ang mga ito para sa mga magulang, mga mag-aaral, at mga tauhan ng DepEd.
“All Christmas parties, themes, costumes, decoration, and exchange gifts are voluntary. No learner or DepEd personnel should be forced to contribute, participate, or use their money for the celebration,” ayon sa DO.
Dapat optional din lamang ang contribution sa Christmas party. “[Contributions] should not be a basis of learners’ participation.”
Hindi rin hinihikayat ang pagbili ng mga bagong Christmas decor at gamitin na lang ang mga lumang dekorasyon.
Iniutos din sa Order na maaaring gawin ang mga party sa oras ng klase, basta hindi ito nakakaabala sa mga “scheduled lesson plans.”
“No learner shall be excluded from joining the Christmas celebration by reason of their failure to give the voluntary contribution or absence of a prepared gift,” utos ng ahensya.
Binalaan din ang mga tauhan ng DepEd sa mga solicitation.
“DepEd personnel should be reminded that solicitations, whether in cash or in kind, are not allowed for Christmas parties or holiday celebrations.” (PNA)
Photo Credit: Philippine News Agency