Noong mga nakaraang buwan, marami ang nagtapos sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo mapa-pampubliko man o pang pribadong unibersidad. Sa pagtatapos nila sa pag-aaral, mas napalapit sila sa pagkuha ng magandang trabaho sa Pilipinas o sa ibang bansa.
Kamakailan lang din, nilabas ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang mga resulta ng mga iba’t ibang board at licensure exam. Sa paglabas ng mga listahan ng mga pumasa ay natupad ang kanilang mga pangarap na maging inhinyero, accountant, guro, at iba pang mga propesyon.
Sa mga nabanggit na sitwasyon ay may mga nagtapos o di kaya pumasa “with flying colors.” Kaakibat ng mga paglabas ng resulta ng PRC ang pagkakaroon ng mga “topnotcher” kung saan kadalasan ay higit sa 90 percent ang rating ng mga ito. Sa graduation sa kolehiyo ay hindi mawawala ang mga may latin honors. Sa University of the Philippines – Diliman, may 150 na estudyante na nagtapos bilang summa cum laude.
Ano ang gusto kong sabihin dito? Ang mga nabanggit na pangyayari ay dahilan para magdiwang ang pamilya ng mga kabataan na ito. Malaking karangalan ito sa mga nakatamasa ng pagtatapos sa kolehiyo o pagpasa sa board exam. Makikita mong magpapa lechon, magpapagawa ng tarpaulin, at kung ano pa upang ipagdiwang at ipagmalaki ang naging tagumpay nila. May panayam pa sa media o di kaya ay courtesy call pa sa mga lokal na opisyal ang mga valedictorian o mga topnotchers.
Ngunit pagkatapos ipagdiwang ang mga tagumpay na ito ay hindi rin sila tinatrato bilang mga kampeon.
Isang halimbawa ay ang job offer sa isang cycling company na naging viral sa social media. Ayon sa job posting ng naturang kumpanya, nangangailangan sila ng “Professional Mechanical Engineer” na kung posible ay lisensyadong mechanical engineer at may limang taon na karanasan sa disiplina ang aplikante. Kung titignan mo naman ang alok na sweldo ay P18,000 hanggang P20,000 lamang. Mababa para sa isang posisyon na maraming kwalipikasyon. Dagdag pa diyan ang taas ng bilihin ngayon.
Kinukutya rin ang mga kabataan kapag pinili nila ang mas nakabubuting desisyon para sa kanila. Sa isang tweet, sinabi ng isang user na nag-resign ang kanyang “Gen Z hire” dahil sa mental health reasons. Hindi katanggap-tanggap dahil dapat confidential ang mga ganitong bagay at hindi dapat pinagpipiyestahan online. Malay ba natin na may pinagdadaanan pala ang taong ito.
Kahit nakatanggap na ng degree ang mga bagong graduates, hindi rin maganda ang kinakaharap nila. Makikipagsapalaran at makikipagsiksikan sa MRT o sa mga bus. Imbes na makapagpahinga ng maayos ay ilang oras ang ginugugol para lang makapunta at maka-umuwi mula opisina. Pinagkakasyahin ang kakarampot na sweldo sa pangangailangan. Mas mahihirapan pa dahil 8 percent ang naitalang inflation rate noong Nobyembre. Karamihan rin sa mga kabataan ay nagiging “retirement plan” ng kanilang magulang. Dahil dito, hindi nakakaipon ang mga ito para sa sarili nilang pangangailangan.
Gayunpaman, ipagbunyi pa rin natin ang mga nagtapos ng kolehiyo at pumasa sa board exams. Ngunit kailangan din ng pagbabago sa ating lipunan upang bigyang halaga ang tagumpay ng mga ito at mas makatulong ang kabataan sa bansa.
Sabi nga ni Jose Rizal, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ngunit may pag-asa pa ba ang kabataan sa bayan na ito?
Photo Credit: University of the Philippines – Diliman website