Sinabi ni Senador Win Gatchalian na handa na ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na simulan ang pagsusuri sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ngayong buwan.
Ayon sa pahayag na inilabas ni Gatchalian nitong Miyerkules, palalakasin ng EDCOM II ang pagsisikap ng administrasyon na maayos na matugunan ang krisis sa edukasyon ng bansa, na pinalala pa ng COVID-19 pandemic. Ang EDCOM II ay itinatag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Act, Republic Act No. 11899, na isinulong ni Gatchalian noong 18th Congress.
“Sa pagbubukas ng 2023, agaran nating sisimulan ang maigting na pagsusuri sa estado ng edukasyon sa ating bansa. Sa pamamagitan ng EDCOM II, magpapanukala at magsusulong tayo ng mga repormang tutugon sa krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon,” aniya.
Ayon sa mambabatas, susuriin ng EDCOM II ang pagtupad sa mga mandatong nakasaad sa mga batas na lumikha ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority. Magsasagawa ang EDCOM II ng national assessment na magrerekomenda ng mga konkreto at napapanahong reporma upang gawing globally competitive ang Pilipinas sa parehong education at labor markets.
Nilikha rin ng Republic Act No. 11899 ang Education, Legislation and Policy Advisory Council upang bigyan ng payo ang Komisyon. Noong nakaraang Disyembre, tinukoy ng Senado ang mga kasapi sa Advisory Council.
Sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mga policy advisors mula sa mga local government unit. Sina dating Ateneo de Manila University President Fr. Bienvenido Nebres at dating University of the Philippines College of Social Sciences and Philosophy dean Dr. Maria Cynthia Rose Bautista ang magiging policy advisors mula sa akademya. Sina Ginoong Alfredo Ayala at Dr. Chito Salazar ang magiging mga kinatawan ng pribadong sektor. Sina dating ESDA director-general Irene Isaac at Private Education Assistance Committee Executive Director Doris Ferrer ang magsisilbing policy advisors mula sa government education agencies.
Ang Synergeia Foundation at Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines) ang magiging kinatawan ng mga civil society organizations at development partners na may kinalaman sa edukasyon. Ang Philippine Institute for Development Studies ang magsisilbing research arm ng Komisyon.
Photo credit: Philippine News Agency website