Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagtaas ng badyet ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa 2023 para sa pagbibigay ng pondo para sa Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) program, na naglalayong tulungan ang mga maliliit na negosyo sa panahon ng krisis at magbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Nauna rito, matagumpay na naapela ni Go ang budget allocation para sa PPG program sa mga deliberasyon sa 2023 budget ng DTI.
“Marami pong nawalan ng trabaho, maraming nagsara na negosyo dahil po sa pandemya kaya naman napakahalagang maipagpatuloy ang programang ito,” aniya sa isang pahayag.
“Kaya naman nagpapasalamat po ako sa mga kapwa ko mambabatas at sa DTI para sa kanilang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program. Sana po ay mas maraming Pilipino pa pong matulungan ang inyong programa,” dagdag ng mambabatas.
Samantala, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pambansang ekonomiya at lokal na komunidad.
“According to data, 99.52% of the total enterprises operating in the country are MSMEs. Backbone ng ating ekonomiya ang mga MSMEs. Masisipag at madiskarte sa buhay ang mga Pilipino. Kung mabibigyan lang sila ng tamang tulong at training, hindi malayo na mas lalago pa ang mga negosyo nila,” aniya.
Ilang panukala na rin ang ipinakilala ng senador para makatulong sa industriyang ito. Ang panukalang “One Town, One Product” (OTOP) program institutionalization bill at ang “Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act” ay mga halimbawa nito.
Ang kanyang Senate Bill No. 424 ay naglalayong magtatatag ng OTOP bilang isang “stimulus program” ng pamahalaan upang hikayatin ang paglago ng mga MSME sa buong bansa sa pamamagitan ng paggamit ng mga “indigenous raw materials, local traditions and cultures across the country.”
Ang SBN 1182, o ang iminungkahing GUIDE Act, na inihain din ni Go, ay naglalayon na pahusayin ang kakayahan ng mga institusyong pampinansyal ng gobyerno na mabigyan ng kinakailangang tulong pinansyal ang mga MSME at iba pang mahahalagang negosyo.
Photo credit: Philippine News Agency website