Bilang pagbibigay-diin sa mahalagang papel na ginagampanan nila sa pagbangon ng ekonomiya, naghain si Senador Christopher “Bong” Go ng mga hakbang na nagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa bansa.
“Workers play a crucial role in the economic recovery after the pandemic. They are the backbone of many industries and essential to the functioning of businesses… By continuing to work, they help to keep the economy running and support its growth,” aniya sa isang pahayag.
Ipinanukala ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 1705 na nagmumungkahi na taasan ang service incentive leave (SIL) ng mga empleyado sa pribadong sektor; at SBN 1707 na naglalayong magbigay ng “competitive remuneration and compensation packages” sa mga social worker sa bansa.
Kung magiging batas, ang SBN 1705 ay aamyendahan ang Labor Code of the Philippines, na nag-uutos sa mga employer na bigyan ang kanilang mga empleyado ng taunang SIL ng sampung araw na may bayad.
Sa kasalukuyan, ang SIL ay ibinibigay sa isang manggagawa na nasa serbisyo sa loob ng 12 buwan, tuluy-tuloy man o putol-putol, na ibinibilang mula sa petsa na nagsimulang magtrabaho ang empleyado, kabilang ang mga “authorized absences” at mga “paid regular holiday.”
Gayunman, binanggit ni Go na ang Labor Code ay nagtatakda rin na kung pipiliin ng employer na bigyan ang mga empleyado ng vacation leave na hindi bababa sa limang araw, ang employer ay ituturing na sumusunod sa mandatory grant ng SIL. Ang epekto nito, ang mandatory leave credits ay hindi bababa sa limang araw lamang at iba pang mga leave.
“The granting of this additional incentive leave is in recognition of the critical role and sacrifices that employees play in nation-building… This measure also aims to boost the morale and satisfaction of employees which are manifested in increased productivity and minimize the risk of health and safety issues among employees,” aniya.
Samantala, ang SBN 1707 o ang iminungkahing “Competitive Remuneration and Compensation Packages for Social Workers Act of 2023,” ay naglalayong garantiyahan ang proteksyon ng mga social worker mula sa diskriminasyon, panghihimasok, pananakot, panliligalig, o pagpaparusa, kabilang ang, “arbitrary reassignment” o pagwawakas ng kanilang serbisyo, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
Bilang pagdidiniin na ang kanilang kontribusyon sa lipunan ay “indispensable,” sinabi ni Go na kinakailangang itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga social worker sa pamamagitan ng pagtiyak ng “competitive remuneration and compensation packages” para sa kanila.”
Nakasaad din sa panukalang batas na ang minimum na base pay ng Social Welfare Officer I sa mga institusyon ng gobyerno ay hindi dapat mas mababa sa Salary Grade 13 gaya ng itinakda sa Modified Salary Schedule para sa mga civilian employee.
Para sa mga social worker na nagtatrabaho sa mga lokal na pamahalaan, ang mga pagsasaayos ng kanilang mga suweldo ay dapat na naaayon sa mga naaangkop na batas. Dapat ding protektahan ng panukala ang kanilang karapatang sumali, mag-organisa, o tumulong sa mga organisasyon o unyon para sa mga layuning ayon sa batas.
“Habang dahan-dahang bumabalik ang sigla ng ekonomiya, dapat suportahan natin sila at bigyan ng mga proteksyon ang ating mga manggagawa dahil sila ang tunay na backbone ng ating ekonomiya,” ayon kay Go.
“Sama-sama nating ibabalik ang sigla ng ating kabuhayan. Bukas ang aking opisina sa kung ano pa ang pwede naming maitulong sa kanila,” dagdag niya.
Noong nakaraang taon, naghain din ang mambabatas ng SBN 1183, o ang iminungkahing “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act,” na naglalayong magbigay ng higit na proteksyon, seguridad at mga insentibo para sa mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime at night differential pay, at iba pang benepisyo.
Upang matiyak na ang mga naninirahan sa mga rural na lugar na kulang sa mga oportunidad sa trabaho ay mapangalagaan, naghain din siya ng SBN 420, na naglalayong mag-alok ng pansamantalang trabaho sa mga karapat-dapat na miyembro ng “low-income rural households” na handang magsagawa ng unskilled physical labor.
Naghain din si Go ng SBN 1184 at 1191 na naglalayong higit pang protektahan ang kapakanan at interes ng mga delivery service rider at seafarer sa bansa.
Photo credit: Philippine News Agency website