Habang naaalarma ang Commission on Population and Development (POPCOM) sa bilang ng mga maagang nagbubuntis sa mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang, sinabi ni Senador Win Gatchalian na magsasagawa siya ng isang pagdinig para makatulong na palakasin ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Sa isang pahayag, sinabi niya na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng maagang pagbubuntis sa mga kabataang 15 hanggang 19 taong gulang, ang POPCOM ay naalarma naman ngayon sa bilang ng mga nabubuntis na mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang.
Gamit ang datos mula sa Civil Registry of Statistics ng Philippine Statistics Authority, sinabi ng direktor ng POPCOM na si Lisa Grace Bersales na may 2,113 na mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang ang nanganak noong 2020.
Ayon naman sa datos ng Field Health Service Information System ng DepEd, 2,354 ng mga batang babae mula sa naturang age group ang nanganak noong 2020 at 2,299 naman ang nagsilang noong 2021.
Noong nakaraang taon, inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 13, pang masuri ang mga kaso ng maagang pagbubuntis at pag-akyat ng bilang ng may Human Immunodeficiency Virus infections sa mga kabataan. Sa gagawing pagdinig, rerepasuhin ang kasalukuyang polisiya ng CSE upang masuri kung gaano kalawak ang saklaw nito at kung napapatupad nga ba ito nang maayos.
Ang pagpapatupad ng CSE ay ginagabayan ng DepEd Order No. 31 s. 2018, na inilabas bilang pagsunod sa Republic Act No. 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012. Mandato ng batas ang pagtuturo ng naaangkop na reproductive health education sa mga paaralan. Inaatasan din nito ang DepEd na bumuo ng curriculum para sa paggamit ng mga pampublikong paaralan.
Ang United Nations and Population Fund, gayunpaman, ay napuna na may mahabang pagkaantala sa pagsasama at pagpapatupad ng CSE sa K to 12 curriculum. Noong Marso 2021, lumabas din sa isang pag-aaral ng state think tank na Philippine Institute for Development Studies ang mga hamon na humahadlang sa pagpapatupad ng CSE, na kinabibilangan ng kakulangan ng sapat na materyales at pasilidad. Ang mga pagsasanay sa sexuality curriculum integration ay hindi rin sapat at hindi naa-access, sinabi ng pag-aaral.
“Napagkakaitan ng oportunidad na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga batang nagiging ina. Sa gitna ng nakakaalarmang bilang ng mga batang 10 hanggang 14 taong gulang na nagiging ina, napapanahong suriin natin nang mabuti kung epektibo nga ba ang polisiya ng ating mga paaralan sa pagpapatupad ng comprehensive sexuality education,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Photo credit: Philippine News Agency website