Isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang komprehensibong pagsusuri sa bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa gitna ng tumataas na kaso ng pang-aabuso sa ating mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ginawa niya ang panawagan matapos maiulat ang isa pang kaso ng pang-aabuso ng OFW sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Jullebee Ranara.
Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration na noong Enero 21, nahulog ang OFW na si Myla Balbag mula sa ikatlong palapag ng bahay ng kanyang amo sa residential area ng Hateen habang sinusubukang tumakas.
“After these two unfortunate incidents, we need to carefully study if the policies are fair and being followed and clearly set the parameters on when to impose a ban and when to lift,” sinabi ng mambabatas sa isang pahayag.
Para mas matiyak ang kaligtasan ng ating mga OFW, inihain ni Villanueva ang Senate Resolution No. 456 na humihimok sa executive department na pagtibayin ang International Labor Organization (ILO) Convention No. 190 sa pag-aalis ng karahasan at harassment sa lugar ng trabaho.
Ang ILO Convention No. 190 o Violence and Harassment Convention ay naghahangad na protektahan ang mga manggagawa at iba pang tao sa mundo mula sa karahasan at harassment na nangyayari sa kanyang pinagtatrabahuhan. Kaakibat nito ang rekomendasyon na magbibigay ng gabay sa pagpapatupad ng nasabing kapulungan.
Sinabi ni Villanueva na ang pagpapatibay ng Pilipinas sa ILO Convention ay magbibigay ng “impetus” upang pagnilayan ang mga prinsipyo ng labor standards at maaaring magbigay sa bansa ng opsyon na maiangat ang kaso ng pagpatay sa mga OFW sa ILO Supervisory Bodies.
“The brutal killing of Ranara happened even amid an existing Memorandum of Understanding between the Philippines and Kuwait on the kafala system, which lays down the obligations in the treatment and protection of foreign workers,” aniya.
Noong 2022, mayroong 24,549 OFW welfare cases sa Kuwait kung saan, 8,755 ay contract violation cases, 823 ay physical maltreatment cases, 99 ay sexual abuse cases at 26 ay rape cases. Ang datos ng Department of Migrant Workers ay nagpakita ng malaking pagtaas sa mga welfare case mula 2016 na nasa 6,536.
“Let’s give our OFWs reassurance that their government is doing their best to make sure that they are protected and that their rights are not violated,” ani Villanueva.
“This is living up to our obligations to our ‘heroes’ who have braved foreign worlds and transformed the economic landscape of our country for want of better lives for their families,” dagdag niya.
Photo credit: Facebook/dmw.gov.ph