Kasunod ng “Kadiwa ng Pasko” noong Disyembre, inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “Kadiwa ng Pangulo” ngayong araw, Pebrero 27, sa Cebu City bilang pagtupad sa kanyang pangako na magbigay ng abot-kaya at dekalidad na pagkain at produkto para sa mga Pilipino.
Isinaad niya na makakatulong ang Kadiwa caravan sa mga Pilipino sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin at pagtaas ng kita ng mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo.
“Dati ang nagsimula nito ay ‘yung Kadiwa ng Pasko. Gumawa ng Kadiwa para noong Christmas season. Iyon lamang ay napuna namin ay napaka popular at gustong-gusto ng tao dahil nga naman ay may bilihin na mas mura kaysa sa makukuha sa labas,” pahayag ni Marcos sa mga local suppliers at konsyumer na nasa Cebu Provincial Capitol Grounds.
Ang Kadiwa caravan ay isang programang farm-to-consumer market chain na walang intermediaries upang kumita nang mas malaki ang mga local producer sa direktang pagbenta ng produkto sa mga mamimili.
Nabanggit rin ni Marcos na mayroong mahigit 500 Kadiwa stores sa bansa. Idinagdag rin ng pangulo ang planong ilunsad ang Kadiwa para sa mga manggagawa na pinamumunuan ng Department of Labor and Employment.
“Patuloy po naming gagawin ito, padadamihin natin, palalakihin natin at pararamihin natin mas importante ay paramihin lalo na sa mga lugar na talagang hirap ang tao at hindi pa kaya ang mga presyuhan kung nasa palengke,” aniya.
Photo credit: Facebook/PresidentialCommunicationsOffice