Sa pamumuno ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga, itinuloy sa Komite ng Agrikultura at Pagkain sa House of Representatives ang motu proprio na imbestigasyon sa posibleng pag-iimbak at manipulasyon ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura, lalo na ang sibuyas at bawang.
Ayon sa pahayag ng House of Representatives Media Affairs, idiniin ni Enverga na ang komite, kasama ang mga ahensya ng pamahalaan, ay nais na makabuo ng kinakailangang interbensyon para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural. Napagkasunduan sa komite na i-subpoena ang ilang mga mangangalakal na hinihinalang may kaugnayan sa manipulasyon ng presyo ng sibuyas.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group, mayroong 24 na bodega na naglalaman ng halos 300 metrikong tonelada ng mga produktong pang-agrikultura.Â
Kinuwestiyon ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta sa imbestigasyon kung bakit hindi ginamit ang mga kumpiskadong produkto para matugunan ang kakulangan sa sibuyas. Tugon naman ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban, 60 porsyento ng mga produktong kumpiskado ay may banta sa kalusugan.
Dagdag ni Marcoleta, dapat repasuhin ng BPI at Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanilang ulat sa suplay at pangangailangan ng sibuyas sa bansa, matapos mapansin ng mga mambabatas ang pagkakaiba sa kanilang mga ulat sa imbestigasyon.Â
Isinaad naman ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo na dapat laging mulat ang BPI sa paggalaw ng mga presyo sa merkado para matiyak na ang mga presyo ng pagkain ay mananatiling matatag para sa mga magsasaka at mga mamimili.
Photo credit: Facebook/PhilippineNewsAgency