Nanawagan si Marikina Second District Representative Stella Quimbo para sa agarang pamamahagi ng cash aid o ayuda dahil ang pagtaas ng presyo ng pagkain ay maaaring magresulta sa 2.58 milyon pang mahihirap na Pilipino.
Iminungkahi niya na ang potensyal na P11.9-bilyon na karagdagang koleksyon mula sa value-added tax mula sa mas mataas na presyo ng mga bilihin noong Enero ay maaaring gamitin upang matulungan ang mga Pilipino na makayanan ang mataas na inflation.
Sa isang pahayag sa briefing ng Development Budget Coordination Committee sa House Committee on Appropriations noong Martes, binanggit ni Quimbo ang pag-aaral ng Asian Development Bank kung saan tinatayang 10 porsyentong food inflation rate ang nagtutulak ng karagdagang 2.3 milyon Pilipino sa kahirapan.
“With an 11.2 percent food inflation rate that we are currently experiencing, nadagdagan ng 2.58 million ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino,” aniya.
Idinagdag ng ekonomistang mambabatas na dahil sa mataas na presyo, bumabagal din ang produksyon ng mga local producer, na kalaunan ay nakakaapekto sa mga trabaho sa bansa.
“Magre-resulta sa paghina ng produksyon sa mga lokal na pagawaan ang mataas na inflation. Ibig sabihin, mawawalan rin ng mga trabaho,” aniya.
Sa pagsasalaysay sa kamakailang idinaos na ikatlong marathon ng Motu Proprio inquiry sa mataas na presyo ng sibuyas ng House Agriculture and Food Committee, binigyang-diin ni Quimbo ang papel ng Kongreso sa pagresolba sa mga isyu sa ekonomiya ng bansa.
“There are more nuanced questions such as: Should Congress insist on the re-convening of the inter-agency unit on economic intelligence to intensify enforcement against agriculture cartels which have been engaged in hoarding and price manipulation? Should Congress grant the Department of Agriculture or the President additional powers to enforce food price stabilization measures? If so, what are these?,” aniya.
Photo credit: Dumaguete City Official Website