Isinulong ni Davao City First District Representative Paolo Duterte, Benguet Representative Eric Yap at ACT-CIS Party-list Representative Edvic Yap ang House Bill (HB) 5074 na nais magbigay ng libreng annual medical checkup ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga miyembro nito.
Nais ng panukala na panatilihin ang malusog ang bawat Pilipino at agarang makita kung mayroon man silang seryosong kondisyong pangkalusugan.
Ayon kay Duterte, dapat kasama ang libreng medical checkup bilang parte ng benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care Act.
“To promote health, identify risks, and ensure early diagnosis, PhilHealth shall establish a system that allows access to a free annual medical check-up and ensure that Filipinos shall be accorded the quality health care services that they deserve,” ayon sa panukala.
Dagdag ni Duterte, “investing in free medical checkups for every Filipino will help save lives and ensure that no one gets left behind when it comes to health care.”
Sa ilalim ng panukala, maaaring magkaroon ng libreng medical checkup, libreng cholesterol at blood sugar test ang mga Pilipino sa mga pampublikong ospital o institusyon. Bukod dito, isinulong rin ng mga mambabatas ang pagsama sa laboratory at dignostic test sa libreng annual medical checkup sa mga benepisyo ng PhilHealth.
“The State is tasked to institutionalize regular checkups for its citizens in order to determine their potential health concerns and avoid further complications. Every citizen must be able to exercise his or her right to health without incurring any financial burden,” pahayag ng mga mambabatas.