Isinusulong ni Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar ang pagpasa ng House Bill (HB) 5684 para mabawasan ang pagkamatay ng mga ina sa panganganak sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga birthing facility sa bawat barangay sa bansa.
“It is only imperative that the government give priority to pregnant mothers and their newborn, especially the underprivileged women, to help reduce their risk and somewhat ease the difficulty of their childbirth,” aniya sa isang pahayag.
Dagdag rin ni Villar na ang pagbawas ng maternal deaths ay kasama sa sustainable development goals, ngunit ayon sa datos, dumadami ang bilang ng mga ina na namamatay dahil sa panganganak.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, tumaas ang maternal deaths ng 1,616 kumpara sa 1,484 noong 2017. Naitala sa Region IV-A ang pinakamataas na bilang ng maternal deaths na may 245 na kaso na katumbas ng 10.36 porseynto na pagtaas mula sa 222 na kaso noong 2017. Mayroong naman 230 maternal deaths na naitala sa Region VII o Central Visayas, at 195 na maternal deaths sa Metro Manila.
“We have an important duty to protect the lives of mothers and the unborn and we seek to provide comprehensive childbirth services to them to address maternal or neonatal problems,” dagdag ni Villar.
Ayon sa bill, kinakailangan ng mga lokal na pamahalaan na itaas ang kalidad ng kanilang mga health service at medical facility upang makapagbigay ng sapat at kalidad na emergency obstetric care. Kinakailangan rin ng mga local health clinic, health office, at satellite office ng Department of Health na magbigay ng 24-hour assistance sa mga ina.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, magkakaroon rin ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga programa na magtataas sa sweldo at incentives ng mga health worker.
Ang Health department, kasama ang Professional Regulation Commission at iba pang organisasyon ay inaanyayahan na pagbutihin ang programa ng midwifery bilang mga healthcare professional para makapagbigay ng sapat na serbisyo sa mga ina at mga sanggol.
Photo credit: Commission on Population and Development website