Inutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatayo ng Philippine Heart Center (PHC) Annex sa Clark Freeport Zone sa Pampanga para ilapit ang kalidad na pag-aalaga sa mga Pilipino.
“Subject to limitations under existing laws, rules and regulations, the National Government shall establish the Philippine Heart Center Annex in Clark Freeport Zone, Pampanga (PHC Clark), which will primarily render specialized medical services for the prevention and treatment of cardiovascular diseases,” nakasaad sa Executive Order (EO) No. 19.
Ayon sa EO No. 19, karamihan sa mga Pilipino na may cardiovascular diseases ay bumabyahe papuntang Metro Manila kung saan matatagpuan ang Philippine Heart Center.
“With world-class highways and an international airport, the Clark Freeport Zone is a gateway to Central Luzon. As such, establishing a specialty hospital annex in Clark Freeport Zone will bring quality healthcare closer to the people,” ayon sa EO.
Base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority noong Oktubre 31, 2022, cardiovascular diseases ang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.
Inutos rin ng EO ang PHC na magtayo at mamahala sa PHC Clark at amyendahan ang kasalukuyang hospital development plan para isama ang mga isinusulong na programa sa PHC Clark alinsunod sa Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040, kasama ang Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ang PHC na naitayo sa ilalim ng Presidential Decree No. 673 (s. 1975) ay ang nag-iisang specialty hospital sa bansa na nagbibigay ng specialized na serbisyong medikal sa mga Pilipino na may mga cardiovascular diseases.
Ang pondo na kinakailangan para sa pagtatayo at operasyon ng PHC Clark ay magmumula sa appropriations ng DOH at ang annual corporate operating budget ng PHC.
Ayon sa EO, ang karagdagang pondo para sa pagtatayo at operasyon ng PHC Clark ay maaari ring magmula sa mga kasunduan na sinimulan ng PHC kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno.
Photo credit: Facebook/PhilippineHeartCenter