Naniniwala si Senador Risa Hontiveros na makakatulong ang International Criminal Court (ICC) na mapabilis ang pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima ng “tokhang.”
Sa isang pahayag, sinabi niya na hindi na nakakasabay ang criminal justice system ng bansa sa paggulong ng libu-libong kaso patungkol sa mga biktima ng war on drugs.
“Kaya patuloy kong inaabangan ang ICC investigation, upang matulungan nila ang ating mga otoridad sa pag-iimbestiga dito sa state-sponsored ‘tokhang,’” dagdag ni Hontiveros.
Aniya, mapapabilis ng international cooperation ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima kaya’t kailangan ng bansa ang tulong ng ICC.
Muli ring nanawagan ang mambabatas sa kasalukuyang administrasyon na makipagtulungan na sa ICC at, sa lalong madaling panahon, muling sumali ang Pilipinas bilang state party sa Rome Statute.
Ayon kay Hontiveros, patuloy ang kanyang paghahanap ng ganap na pananagutan ukol sa mga extrajudicial killing noong nakalipas na administrasyon.
“Maganda man na may mga “kislap ng pag-asa,” hindi iyan sapat kung puro utusan at maliliit na tao lang ang napapanagot ng sistema. Oras na para habulin ang mga totoong nag-utos ng polisiyang ito, silang mga tunay na dahilan sa pagkitil sa buhay ng ating mga kababayan. Oras na para pigilan natin ang mga naghahari-harian,” dagdag ng senador.
Aniya, dapat na ring matigil na ang paglaganap ng kultura ng patayan sa bansa, na naging palasak noong nakaraang administrasyon, at hindi sila dapat makatakas sa batas.
“Nakikiramay at nakikiisa ako sa lahat ng biktima ng madugong “Tokhang.” Hindi sapat ang tingi-tinging sinag ng pag-asa. Lahat tayo ay may karapatan sa lubos na hustisya,” pagdidiin ni Hontiveros.
Ang kanyang pinakabagong pahayag tungkol sa tokhang ay sa gitna ng balitang nahatulan ng guilty ang dating pulis na si Jeffrey Perez para sa pagpatay sa mga biktima ng drug war na sina Carl Angelo Arnaiz at “Kulot” De Guzman.
Sinabi ng mambabatas na kapuri-puri ang naging hatol sa kaso, ngunit hindi dapat inaabot ng limang mahabang taon ang pagkamit ng hustisya.
Aniya, bahagyang tagumpay lamang ito at hindi dito natatapos ang paniningil ng katarungan. May libu-libo pang mga pamilya, na gaya ng kanila Arnaiz at De Guzman, na nag-aabang na mabigyan ng hustisya ng mga hukuman.
“Gaya ng aking sinabi noong 2017, noong aking pinorotektahan ang mga saksi sa imbestigasyon sa pagpatay kay Kian Delos Santos, dapat ay maramdaman ng mga biktima na kakampi nila ang batas, lalo na at ito ay karahasan dulot ng pamahalaan,” ayon kay Hontiveros.