Nanawagan si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga lokal na pamahalaan na mamuhunan at unahin ang pagpapatupad ng mas magandang programa sa edukasyon na makikinabang sa mga kabataang Pilipino.
“Importante po ang edukasyon at importante na ang ating mga anak ay makapag-aral at makakuha ng maayos na edukasyon,” aniya sa isang talumpati.
“May I enjoin our parents who are here today to keep your children and youth in school or learning technical skills no matter the challenges,” dagdag ni Duterte.
Sinabi rin niya na mahalagang sumang-ayon ang bansa na ang edukasyon ang numero unong tiket upang matiyak na mga kabataan ay magkakaroon ng ligtas at magandang kinabukasan.
Sinabi ng Bise Presidente na ang mga bata ay dapat na mapalayo sa mga banta na dulot ng iligal na droga at recruitment ng New People’s Army (NPA).
“Importante din na matiyak natin na ang ating mga anak ay malayo po sa landas ng ilegal na droga at sa landas ng insurhensiya. Ang illegal drugs at ang New People’s Army ay parehong sisira sa kinabukasan ng ating mga anak,” aniya.
“Huwag po natin yang hayaan. May responsibilidad tayo bilang mga magulang na protektahan ang ating mga anak mula sa salot na illegal drugs at NPA. Magiging mas maunlad ang ating bayan kung masusugpo natin ang problema sa ilegal na droga at insurhensiya ng NPA,” dagdag ni Duterte.
Photo credit: Development Bank of the Philippines Official Website