Naghain ng panukala si Senador Raffy Tulfo para matigil ang diskriminasyon ng mga pulis laban sa mga motorcycle rider na laging nahaharang sa mga checkpoint.
Sa kanyang isinulong na Senate Bill (SB) No. 1977, sinabi ni Tulfo na madalas nakikita sa mga kalsada, lalo na sa National Capital Region, ang mahahabang pila ng mga motorsiklo sa isang checkpoint ng mga pulis, pero lusot sa mga checkpoint na ito ang mga four-wheel vehicle gaya ng mga kotse, pick-up truck, SUV, at mga van.
Ipinunto niya na kadalasan sa mga checkpoint, ang mga sakay ng motorsiklo ay kinakapkapan, pinabubuksan ang compartment ng motorsiklo, at hinahanapan ng mga dokumento gaya ng lisensya at registration nang walang paliwanag na traffic violation o suspetsa na may nagawang krimen.Â
Dagdag ng mambabatas na minsan nagtatanim ng ebidensya ang pulis para mas malaking pera ang ibigay sa kanila.
Sa ilalim ng SB No. 1977, ang mga guideline para sa mga checkpoint ay dapat pantay-pantay para sa lahat ng two at four-wheel na sasakyan para maiwasan ang diskriminasyon laban sa mga motorcycle rider. Hindi maaaring tanungin ng pulis ang driver na bumaba ng sasakyan o motorsiklo para sa inspeksyon ng walang pahintulot ng driver.
Sinabi ni Tulfo na ang mga nagbabantay sa checkpoint ay maaaring humiling na tingnan ang lisensya at registration ng driver ng sasakyan kung may nakita silang paglabag sa batas ng trapiko katulad ng sirang ilaw, kawalan ng plate number, at hindi pagsusuot ng helmet para sa mga motorcycle rider.
Dagdag rin ng senador na ang tanging oras kung saan pwede magpatuloy ang mga pulis ng “stop and frisk” operation ay kung mayroon silang reasonable suspicion na may nagawang krimen ang driver na nasa checkpoint.