Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa malawak pang pakikipag-ugnayan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtatayo ng disente at abot-kayang tahanan para sa mga Pilipino sa ilalim ng “Build, Better, More” Housing Program ng kanyang administrasyon.
“Mahalagang makipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang maisakatuparan ang ating mga kolektibong hangarin. Gayundin, tiyakin natin na ang ating mga gusali ay matatag gamit ang kalidad at matibay na mga materyales,” aniya.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), binanggit ni Marcos sa kanyang talumpati sa ceremonial turnover ng 1,380 na tahanan sa ilalim ng St. Gregory Homes Project na prayoridad ng kanyang administrasyon ang mga human settlement at housing project.
“Kaya naman po ay hinamon ko ang aking sarili at ang aking mga kapwa lingkod-bayan sa DHSUD [Department of Human Settlements and Urban Development], sa NHA [National Housing Authority], lalong-lalo na ang ating mga LGUs [local government units] na matugunan ang mga pangangailangan na pabahay sa loob ng aking termino bilang Pangulo,” aniya.
Inatasan rin ng pangulo ang NHA, DHSUD, at iba pang mga kaugnay na ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagbibigay-lunas sa suliranin ng bansa sa pabahay.
Nanawagan rin siyn sa mga benepisyaryo ng programang pabahay ng gobyerno na suportahan ang mga proyekto ng administrasyon para mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Ang St. Gregory Homes Project ay isang resettlement site na may 23 na low-rise building at 1,380 residential unit. Ang proyekto ay nabuo sa pamamagitan ng partnership ng NHA at ng lokal na pamahalaan ng Malabon City.
Ang pabahay ay para sa mga informal settler family na naninirahan sa mga waterway at danger zone sa Malabon City, pati ang mga apektado ng pagtatayo ng pumping stations ng Department of Public Works and Highways.