Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Commission on Higher Education (CHED) na tugunan agad ang kakulangan sa bilang ng mga nurse dahil sa migration na nakakaapekto sa pagbibigay ng epektibong healthcare sa bansa.
“We have to be clever about the healthcare manpower. Our nurses are the best, buong mundo na ang kalaban natin dito (referring to nurses migrating to other countries where pay is higher),” pahayag niya sa isang pagpupulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group sa Malacañan Palace.
“Lahat ng nakakausap kong President, Prime Minister, ang hinihingi is more nurses from the Philippines,” dagdag ni Marcos.
Bilang tugon sa panawagan ng Pangulo, sinabi ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na sinimulan na ang interbensyon para tugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa, kabilang ang retooling ng board non-passers, pagkakaroon ng nursing curriculum na may exit credentials, pag-redirect sa non-practicing na nurse at pagsasagawa ng exchange programs sa ibang bansa.
“Under the nursing curriculum with exit credentials, students could have several options: exit at the end of Level I or II, obtain the certificate or diploma in Nursing, or choose to continue and finish the four-year nursing program to become a registered nurse,” iniulat niya.
Dagdag ni De Vera na kasalukuyang bumubuo ang CHED ng flexible short-term masteral program para tugunan ang kakulangan sa mga instructor sa mga nursing at medical school.
Ayon kay Department of Health Officer-in-Charge Undersecretary Rosario Vergeire, kasalukuyan nilang sinusuri ang status ng panukalang Magna Carta for Public Health Care Workers at Philippine Nursing Act habang pinag-aaralan ang standardization ng sweldo ng mga nurse, doktor, at healthcare worker.
Napag-usapan rin sa pagpupulong na babantayan ng PSAC ang bagong teknolohiya sa healthcare na maaaring gamitin sa mga geographically isolated at disadvantaged areas at irerekomenda ito sa DOH at Philippine Health Insurance Corp..
Pag-aaralan rin ng PSAC ang posibilidad ng pagtatayo ng mga remote diagnostics center at bagong mga medical technology at ang halaga nito.