Muling ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang pagtutol sa pagpapatupad ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo at binanggit na mas mahalaga na tugunan ang epekto ng pandemya sa edukasyon.
“Sa panahon ng krisis pang-ekonomiya at edukasyon, tingin natin mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagtugon sa learning losses na dala ng pandemya,” aniya.
Ito ay matapos ilabas ng Pulse Asia ang resulta ng isang survey na isinagawa noong Marso 15 hanggang Marso 19 kung saan 78 porsyento ng mga respondent ay sang-ayon sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa kolehiyo.
Idiniin ni Hontiveros na kasalukuyang mayroon namang ROTC sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP). Kinuwestiyon rin niya kung nakuha ba ng survey ang sentimyento ng kabataan sa pagpapatupad ng mandatory ROTC o ang general population lamang ang natanong.
“Hindi tayo tutol sa pagkakaroon ng ROTC, dahil hanggang sa ngayon ay may ROTC naman sa ilalim ng NSTP, pero ang gawin itong mandatory limits the choices of our students to express their love of country. Nakacapture ba ng survey ang sentiment ng kabataan mismo na ipapa-mandatory ROTC, o ito ay yung general population lamang?” ayon sa mambabatas.
Ang mga respondent ng survey na isinagawa ng Pulse Asia ay mayroong 1,200 na respondent na 18 taon gulang pataas ngunit hindi lahat sila ay estudyante.
Binanggit rin ni Hontiveros na higit na kinakailangan ngayon ang mas malawak na programa para sa paglilingkod sa bayan na hindi lang umiikot sa usaping military, law enforcement, at disaster response.
“Sa panahon ngayon, higit na kailangan ang mas malawak na programa para sa paglilingkod sa bayan hindi lamang usaping military, law enforcement at disaster response,” dagdag niya.
Iginiit rin ng senador na patuloy ang pagsusuri sa Senate Bill No. 2034 o ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act na kasalukuyang isinusulong ni Sen. Win Gatchalian sa senado.
“Gaya ng ibang mahahalagang batas, patuloy nating bubusisiin ang panukalang pagbabalik ng ROTC, paglalatag ng mga isyu kaugnay sa implementasyon nito at pagsisigurado na may sapat na safeguards at protection ang mga kabataang dadaan sa programa kontra abuso,” padidiniin niya.
Source: University of the Philippines Diliman National Service Training Program Official Website