Idiniin ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles na kailangan tugunan ng gobyerno ang kakulangan sa “soft skills” ng “pandemic graduates” base sa situational report ng Commission on Human Rights (CHR).
“The results of the report, while expected, is troubling, and we in government should actively work to address the gaps that have been identified,” aniya.
Ang resulta ng situational report ng CHR ay nakuha galing sa mga diskusyon sa mga opisyal ng national government, mga employer, mga guro, mga administrator at principal, at ang kabataan.
Ayon sa ulat, karamihan sa fresh graduates ay nakakaranas ng “culture shock” sa trabaho dahil sa pagkakaiba sa mga inaasahan base sa itinuturo sa mga paaralan. Binanggit rin sa ulat na may kakulangan din sa job readiness dahil karamihan sa mga mag-aaral ay sumasailalim lamang sa online internship at hindi sa aktwal na trabaho.
Suhestiyon ni Nograles na lumikha ang gobyerno ng isang bridging program para sa fresh graduates na makakatulong sa pagkakaroon ng mga kakayahan na maaaring hindi nakuha dahil sa online learning.
“It might be a good idea for government to provide an avenue where new graduates can fill their skills gaps, including in areas such as communication, teamwork, and critical thinking,” aniya.
Ayon sa mambabatas, maaaring makatulong ang bridging program sa fresh graduates na mapantayan ang mga empleyado na natanggal sa trabaho, na sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na prayoridad ng mga kumpanya dahil sa kanilang karanasan.
Idiniin din niya na kailangan magtatag ang gobyerno ng koneksyon sa mga industriya para tukuyin ang mga kakayahan na kinakailangan ng fresh graduates para magkaroon ng trabaho.
Dagdag rin ni Nograles na pinag-iisipan niya ang pagkakaroon ng diskusyon tungkol sa sitwasyon na kinakaharap ng fresh graduates.
“We need a national conversation on the job situation. Kailangan nating malaman kung ano ang mga pagkukulang, at ano ang maaaring gawin para mapunan ang mga ito. We need the inputs of all stakeholders concerned,” aniya.