Muling dinepensahan ni Senador Win Gatchalian ang panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo at sinabing suportado rin ito ng iba’t ibang age group, kabilang ang mga “college-aged” na kabataan.
Ibinahagi niya ang detalye mula sa resulta ng isang Pulse Asia survey na isinagawa noong Marso kung saan lumabas na 78 porsyento ng mga Pilipino ang sang-ayon sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa kolehiyo. Ayon din sa resulta ng survey, 75 porsyento ng mga kalahok na 18-24 taon gulang o nasa “college age” ang pabor sa pagbabalik ng mandatory ROTC sa kolehiyo.
“Malinaw na batay sa pag-aaral, suportado ng ating mga mamamayan ang panukalang ibalik ang ROTC. Sentimyento ito hindi lang ng ating mga magulang, kundi pati na rin ng ating mga kabataan,” ayon kay Gatchalian, na co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2034 o Reserve Officers’ Training Corps Act.
Sa ilalim ng panukala, kailangang kumuha ang mga undergraduate student sa kolehiyo ng Mandatory ROTC sa loob ng apat na semestre. Kabilang din sa layunin ng panukala ang pagbibigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang ang mga disaster response operation, rescue and relief operation at early recovery activity.
“Hindi lamang ang ating mga kabataan ang makikinabang sa ROTC, kundi ang buong bansa. Sa ilalim ng programang ito, paiigtingin natin ang papel ng mga kabataan bilang mga lider at mga aktibong miyembro ng lipunan, lalo na sa mga panahong haharapin natin ang mga sakuna, kalamidad, at anumang emergency,” dagdag ni Gatchalian.
Photo credit: University of the Philippines Reserve Officers’ Training Corps Website