Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng isinusulong niyang Senate Bill No. 302 o 4Ps for Disaster Victims Act na naglalayong isama ang mga biktima ng mga kalamidad bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito ay matapos itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang Signal No. 1 sa 11 na probinsya dahil sa Tropical Depression “Amang.”
“Ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), bibigyan ng immediate financial assistance ang mga pamilyang apektado ng bagyo, lindol, or whatever natural calamity. Then within 15 to 30 days ia-assess y’ung economic status ng pamilya,” ani Cayetano.
Suhestiyon niya na ang mga indibidwal na hindi naging mahirap dahil sa kalamidad ay maging miyembro lamang ng 4Ps nang isang taon, habang ang mga indibidwal na naghirap dahil sa kalamidad ay maaaring mabigyan ng mas mahabang suporta.
Dagdag ng mambabatas na kahit hindi maiwasan ng gobyerno ang mga kalamidad, maaari itong tumugon para mabawasan ang mga apektado ng kalamidad.
“It pays to be proactive. With knowledge, training, education, equipment, tools, and the right infrastructure to mitigate disasters, there would be less devastation,” aniya.
Nanawagan rin si Cayetano sa publiko na makinig sa mga anunsyo ng gobyerno at makilahok sa pagpapatupad ng mga precautionary measure sa gitna ng mga kalamidad.
“Wala namang ilalabas na babala ang ating gobyerno na ikapapamahamak natin. Huwag tayong matigas ang ulo para hindi lumala ang maging epekto ng bagyo sa ating buhay at mga ari-arian,” aniya.
Photo credit: Department of Social Welfare and Development Official Website