Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na maghanda at ilatag ang “whole-of-government’ approach” para tugunan ang El Niño na mararanasan hanggang 2024.
Ayon sa Presidential Communications Office iniulat ni Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa isang press briefing na inutusan ng pangulo ang ibang ahensya ng gobyerno na bumuo ng public awareness campaign sa pagtitipid ng tubig at enerhiya, upang maibsan ang epekto ng El Niño phenomenon sa mga komunidad.
“Nagbigay po kanina ng malinaw na instructions or utos ang Pangulong Bongbong Marcos na palakasin pa ho natin iyong paghahanda doon sa inaasahang masamang epekto ng El Niño,” pahayag ni Nepomuceno.
Binanggit rin niya na ang Department of Health (DOH) ay inaasahan na tugunan ang mga posibleng sakit at karamdaman na maaaring maranasan dahil sa El Niño.
“Pangalawa naman po, iyon pong paghahanda sa kakulangan ng tubig. Inaasahan natin iyan so inutos niya kanina na dapat magkaroon tayo ng public awareness campaign at immediately lalo na simulan dapat noong mga government agencies, institutions including mga public institutions na mga eskuwelahan or schools na magtipid na kaagad ng tubig bago pa lumala iyong problema,” dagdag ni Nepomuceno.
Inutos rin ni Marcos ang pagkakaroon ng protocol-based at pangmatagalang proseso na nakabase sa siyensya na maaaring gawin ng bansa.
Sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, iniutos rin niya sa mga ahensya ng gobyerno na bumuo ng El Niño team para tugunan ang krisis.
Sinabi naman ni Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Administration Deputy Administrator Esperanza Cayanan sa press briefing na ang posibilidad ng El Niño ay tumaas ng 80 porsyento ngayon Hunyo, Hulyo, at Agosto.
Dagdag niya na ang posibilidad naman ng El Niño sa Nobyembre, Disyembre, at Enero ay maaaring tumaas ng 86 porsyento.
“Bago po natin maramdaman iyong epekto nitong El Niño, which is less amount of rainfall in most areas of the country, mayroon pa po tayong tag-ulan,” pahayag ni Esperanza.
Dumalo sa sectoral meeting ang mga punong kawani ng Department of National Defense, Department of Energy, Department of Environment and Natural Resources, Department of Science and Technology, National Disaster Risk Reduction and Management Council, Department of Agriculture, DOH, National Irrigation Administration, National Water Resources Board, at Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems.
Photo credit: Facebook/pcogovph