Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suplay ng mga produkto na binebenta sa mga Kadiwa ng Pangulo outlet upang bigyan ang mga mamimiling Pilipino ng abot-kayang produkto.
“Kaya’t tinitiyak namin na magkaroon ng magandang supply sa susunod. Hindi na natin kailangan alalahanin na mauubos,” pahayag niya sa paglulunsad ng Kadiwa outlet sa San Jose del Monte sa Bulacan.
“Pero siyempre pagka nakakapagbili tayo ng bigas na 25 pesos, makabili ng asukal ng below 80 pesos, eh talaga namang dadagsain ‘yan. Eh ‘yun naman talaga ang dahilan kung bakit natin ginawa itong Kadiwa,” dagdag ni Marcos.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), binanggit niya na inilunsad ng kanyang administrasyon ang proyekto para tugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at suportahan ang mga maliliit na negosyo sa pag-ahon mula sa epekto ng Covid-19 pandemic.
“At talagang marami sa kanila, naubos ang kanilang savings, napilitan silang magsara at kaya naman ay napakalaking bahagi niyan ng ating ekonomiya,” ani Marcos.
“Kaya’t binibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga MSMEs (micro, small, and medium enterprises), binibigyan natin sila ng isang lugar, isang palengke, isang merkado kung saan sila makapunta para naman maibenta nila ang kanilang mga produkto,” dagdag niya.
Ang Kadiwa outlet ay isang programa ng Department of Agriculture na naglalayong magbigay ng abot-kayang bilihin gaya ng bigas, isda, prutas, gulay, at iba pang pangangailangan para sa mga Pilipino.
Iniulat ng gobyerno na kumita ang Kadiwa outlets ng P415 million kung saan nakinabang ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang maliit na negosyo.
Photo credit: Facebook/pnagovph