Nanawagan ang AnaKalusugan Partylist sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na dagdagan ang bilang ng mga accredited service provider para sa Konsulta Package nito, na nagbibigay ng pangunahing serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga miyembro nito.
Nagpahayag ng pagkabahala si AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa mababang bilang ng mga provider na naka-enroll sa programa, at sinabing hindi sapat ang mga ito para matugunan ang dumaraming miyembro na gustong mag-avail ng package.
“Kulang na kulang pa po ang mga providers para maserbisyuhan ang dami ng ating mga PhilHealth members. Sana po paigtingin pa ng PhilHealth ang paghikayat sa mga providers na magpa-accredit at maging bahagi ng Konsulta Package program,” aniya sa isang pahayag.
Ang datos mula sa PhilHealth ay nagpapakita na noong Marso 31, 2023, 1,931 lamang sa kinakailangang 5,014 Accredited Konsulta Provider ang naka-enrol sa programa.
Binigyang-diin ni Reyes ang kahalagahan ng programa, na nagbibigay-daan sa pag-access sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar kung saan hindi ito madaling ma-access.
Inihain niya ang House Bill No. 00430, na naglalayong mabigyan ang mga Pilipino ng libreng taunang medical check-up, kabilang ang blood sugar at cholesterol test, upang matukoy ang mga karamdaman ng maaga bago pa ito lumala.
“We want this initiative to succeed because it is fully in line with AnaKalusugan’s vision to make healthcare accessible to Filipinos,” ayon sa mambabatas.