Inanunsyo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Lunes na muling ipapatupad ng lungsod ang mandatoryong paggamit ng face masks upang pigilan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19.
Ang lungsod ay kasalukuyang nagtatala ng 13 hanggang 14 na kaso ng COVID-19 bawat araw. Pahayag ni Magalong sa social media account ng Baguio City Public Information Office na kailangang sundin muli ang minimum health standards, lalo na ang pagsusuot ng face mask.
Idinagdag niya na ang mga nasasakupan at mga turista ay kinakailangan na ngayong magsuot ng kanilang mga face mask, lalo na sa indoor at government offices.
“We’re now requiring our constituents and visitors to be wearing their face masks,” anunsyo ni Magalong.
Hinimok din ng mga lokal na awtoridad ang mga pinuno ng simbahan na muling ipatupad ang mandatory face mask. Nakatakdang maglabas ng executive order si Magalong hinggil sa usapin.
Ibinahagi ng alkalde na inaasahan ng mga opisyal ang pagtaas ng COVID-19 cases para sa susunod na 3 hanggang 4 na linggo. Pinaghihinalaan na ang pagtaas ng mga kaso na ito ay dahil sa variant ng Arcturus.
Idiniin din niya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.