Kamakailan lang ay naglabas ng isang situational report ang Commission On Human Rights (CHR) kung saan iniulat na nahihirapan ang karamihan sa fresh graduates na maghanap ng trabaho sa gitna ng pandemya dahil sa pagkukulang sa “soft skills.” Bilang isang mag-aaral na malapit nang magtapos, nakakalungkot isipin ang hamon na ito matapos pagdaanan ang hirap sa ilalim ng dalawang taong virtual learning sa kolehiyo.
Sinabi sa ulat ng CHR na ang karamihan sa mga natutunan ng mga mag-aaral sa online classes ay hindi naaangkop sa aktwal na sitwasyon. Ang ulat na ito mula sa CHR ay maaaring maikonekta sa limitasyon ng virtual learning para ituloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya.
Dalawang taong hindi nakatungtong ng silid-aralan ang karamihan sa mga mag-aaral ngayon na binansagan na “pandemic generation.” Kaakibat nitong virtual learning ang iba’t ibang problema na patuloy na nararanasan ng mga mag-aaral na tulad ko na lalo lamang lumala sa gitna ng pandemya.
Ang biglaang transition sa virtual learning ay mas nakakaapekto sa kinakaharap na problema sa sistema ng edukasyon. Hindi lahat ng mga mag-aaral ay may malakas ng internet connection at sariling laptop o iba pang gadget na maaaring gamitin. Dahil dito, ang ibang mag-aaral ay napilitang tumigil dahil hindi abot-kaya ang mga kinakailangan na kagamitan para ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Patuloy man ang klase, hindi naman natiyak kung talaga nga bang natututo ang mga mag-aaral sa panibagong setup.
Ngayong nagbabalik muli ang face-to-face classes, ang hamon naman na dala nito ay ang muling pag-aadjust sa loob ng silid-aralan matapos ang higit na dalawang taon na virtual learning. Kasabay rin nito ang tuloy-tuloy na inflation na nakakaapekto sa buhay ng masang Pilipino, kasama na ang mga mag-aaral na nais ituloy ang kanilang edukasyon sa gitna ng maraming hamon at problema na kinakaharap ngayon.
Ang limitasyon na dala ng pinagdaanan ng mga mag-aaral ngayong pandemya ay hindi nila kasalanan. Ang mga napagdaanan naming pandemic generation sa huling dalawang taon ay sintomas ng malalang problema na patuloy na nakakaapekto sa karapatan ng mga Pilipino na makamit ang mataas na kalidad ng edukasyon. Responsibilidad ng gobyerno na siguraduhin ang kalidad ng edukasyon sapagkat ito ang humuhubog sa kinabukasan ng ating bansa.
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of his/her school or Politico.ph.
If you’re a student with a pressing opinion on politics, governance, or social issues, we want to hear from you! Send your opinion piece to Politico.ph’s Campulitika segment. Send an email to [email protected].