Nanawagan si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa mga ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), na paghandaan ang posibleng epekto ng Super Typhoon Betty, na may international name na “Mawar.”
Ito ay inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Revilla ang pangangailangan ng proactivity at emergency repair habang hinihimok niya ang mga ahensya na tiyakin ang integridad ng pampublikong imprastraktura.
“Nananawagan ako sa DPWH na agarang maghanda para sa paparating na bagyong Betty. We should be proactive and cannot just be responsive because we cannot afford to lose even a single life… Siguruhin niyo na bawat tulay, daan, gusali, atbp. ay nasa maayos na lagay at hindi magiging dahilan ng pagkawala ng buhay nino man sa gitna ng bagyo na ito,” aniya.
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration na ang paparating na tropical cyclone ay lumakas at maaaring maging isang super typhoon.
Inaasahang tutugon ang DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno kabilang ang local governments sa posibleng epekto ng bagyo na maaaring magdulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa.
“Dapat ay handa na ang DSWD sa mga oras na ito pati ang kanilang mga ipamimigay na relief packs. Siguruhin niyong secured ang mga ito at hindi babahain at masasayang lamang. Sa inyo nakasalalay ang buhay ng ating mga kapwa pagkatapos ng sakuna. You have been preparing for this so we hope that you are prepared,” ani Revilla.
“Kasama ng iba pang mga ahensya ng gobyerno, ang NDRRMC, and Office of Civil Defense, lalong-lalo na ang mga local government units na silang unang reresponde sa ating mga kababayan, magtulungan tayong lahat sa ating kakaharapin. Nagdaan na tayo dito noon kaya alam kong mas alam na natin ang gagawin ngayon,” dagdag niya
Hinimok rin ng mambabatas ang publiko na maging mapagmatyag at sundin ang mga babala ng gobyerno.
“Wala po akong ibang hangarin kung di ang inyong kaligtasan. Kayo po ay patuloy na mag-ingat at sumunod sa ipaguutos ng pamahalaan para kayo ay mas maging ligtas. Dalangin ko po na makaraos tayo dito sa sakunang ito na walang ni isang masasaktan,” aniya.
Photo credit: Facebook/PAGASA.DOST.GOV.PH