Katatapos lang ng 2022 national elections ngunit may napipisil na kaagad ang publiko sa kung sino ang susunod na pangulo ng bansa. Sa kamakailang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na sina Vice President Sara Duterte, Senador Raffy Tulfo, at dating Vice President Leni Robredo ang tatlong nangungunang kandidato na humalili kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.
Ang SWS survey na ikinomisyon ni dating LPG Marketers’ Association party-list Rep. Arnel Ty, ay isinagawa noong April 15-18 at may 1,200 respondents. Sa mga na-survey, 28 percent ang nagsabing iboboto nila si Duterte, 11 percent ang pumili kay Tulfo, at 6 na percent ang pumili kay Robredo.
Kasama rin sa survey ang pito pang kandidato kung saan si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa ikaapat na puwesto na may 3 percent ng boto. Kasama sa iba pang mga kandidato sina dating Senador Manny Pacquiao (2 percent), Senador Robin Padilla (2 percent), dating Manila Mayor Isko Moreno (1 percent), Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (1 percent), Senador Imee Marcos (1 percent), at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos (1 percent).
Ayon sa SWS, ito ang eksaktong tanong sa survey:
“Ayon sa Konstitusyon, ang termino ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ay hanggang sa taong 2028 lamang at magkakaroon ng halalan para sa pagka-Pangulo sa Mayo 2028. Sino sa palagay ninyo ang pinakamagaling na lider na dapat pumalit kay Pang. Marcos, Jr. bilang Presidente? (ONE ANSWER ONLY) [According to the Constitution, the term of Pres. Ferdinand Marcos, Jr. is up to 2028 only, and there will be an election for a new President in May 2028. Who do you think is the best leader who should succeed Pres. Marcos, Jr. as President? (ONE ANSWER ONLY)]”
Photo credit:
Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial
Facebook/VPLeniRobredoPH
Facebook/IdolRaffyTulfoOfficial